SMUGGLER DONDON ALAHAS AT BURIKI KING AGOJO MAY POLICE ESCORTS; UTOS NI PBBM VS SMUGGLING DEDMA NG PNP, NBI AT BOC!
Advertisers
Ni CRIS A. IBON
HINDI na nga sumusunod sa atas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Customs na sugpuin ang laganap na smuggling at pilferage operation ay nabibigyan pa ng police escorts o body guards ang grupo ng Cebu-based petro-product smuggler na si “Dondon Alahas” at kagrupo nitong “buriki king” na si Agojo alyas CJ Pilar, Delson alyas Etring at Efren, kaya’t hiniling ng samahan ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) sa Region 4A na silipin ang nakakadudang pagbalewala ng nabanggit na mga law enforcing agency laban sa talamak na smuggling at buriki operation sa CALABARZON partikular sa Batangas at Quezon.
Sinabi ng grupo na may misteryosong nangyayari na dapat alamin ang Pangulo sa di pagkilos ng tatlong pangunahing law enforcement agencies (PNP, NBI at BOC) at iba pang opisina ng gobyerno na bantay at ahensya ng paniniktik ng bansa laban sa pagpupuslit ng petroleum at agri-products mula sa mga bansang China at Malaysia.
Ang smuggled na gasolina, krudo at agri-products tulad ng sibuyas na hindi ibinabayad ng buwis o taripa pagpasok sa Batangas City Pier at mga bayan ng San Juan, Batangas at Sariaya, Quezon ay direktang sinasahod ng mga tanker at cargo trucks ng sindikatong pinamumunuan ng Duterte Diehard Supporter (DDS) na si Dondon Alahas, na nakapasok sa smuggling at buriki operation sa Batangas at Quezon sa tulong ng isang Duterte appointed top ranking BOC official.
Ang daang libo hanggang mil-yones na kantidad ng petroleum at agricultural products na bilyones ang halaga mula China at Malaysia ay parang legal na nadidiskarga sa pantalan ng Batangas City, ma-lapit sa tanggapan ni BOC District Collector Atty. Ma Rhea Gregorio, sa pakikipagsabwatan ng ilang korap na BOC at port personnel na nagbibigay ng “go signal” sa mga tripulante ng naka-angkorahe na barko o barge sa Batangas City Bay upang dumaong sa pantalan dakong gabi para madiskarga ang mga kontrabando.
Ang mga smuggled petro at agricultural products ay direktang idinedeliber sa mga buyer na may-ari ng mga gasolinahan sa iba’t ibang panig ng CALABARZON at Luzon area. Ang mga agri-product naman ay sinasahod sa mga alipores ni Dondon Alahas ng mga tusong negosyante sa mga malalaking pamilihan sa Region 4A, Metro Manila at iba pang rehiyon sa Luzon.
Malaking kantidad din ng petroleum at agri products ay iniimbak sa kuta ni Dondon Alahas sa Brgy. Aguila, likod ng bahay ni Chairman Felix Gutierrez, ngunit maging si Batangas PNP Provincial Director Colonel Jacinto “Jack” Malinao Jr., San Jose Mayor Bien Patron at kanyang mga Sangguniang Bayan ay dedma lamang at walang aksyon laban sa sindikato.
May tatlong taon na ang smuggling at buriki activity ni Dondon Alahas pero nakapagtatakang hindi ito nalalansag ng mga elemento ng PNP Region 4A, Batangas PNP Provincial Police Office, Criminal Investigation and Detection Group Provincial Office, NBI at BOC. Ang kuta ng sindikato ay mahigpit pang nababantayan ng nakasibilyan at unipormadong mga pulis.
Ayon sa MKKB, ang mga pulis na bodyguard ni Dondon Alahas ay dapat nagbabantay sa mga power plant, government facilities at mga oil and petroleum depot sa Batangas at kanugnog na probinsya. Hindi rin ang mga ito organic officer o miyembro ng Camp Crame based PNP Protection and Security Group na nasa ilalim ni BGen. Rogelio P. Simon ngunit nagbibigay ng seguridad sa iligalista tulad ni Dondon Alahas.
Pansamantalang ‘di pa pinangalanan ng MKKB ang mga aktibong pulis na siya ring kasamang bodyguard ng kontrabandistang tahor na sabungero sa kanyang pagdi-derby o malakasang pagsasabong sa mga malalaking cockpit arena sa Batangas, iba pang bahagi ng CALABARZON at Metro Manila.
Liban sa Brgy. Aguila, iniimbak din ni Dondon Alahas ang mga kontrabandong petrolyo at agri-products sa isa pang burikian, storage o bodega sa Brgy. Banaba By-Pass Road sa bayan ni San Pascual Mayor Antonio A. Dimayuga.
Ang naturang burikian o paihian ng gasoilna, krudo at pasingawan ng liquefied petroleum product (LPG) ay pinatatakbo ng isang Agojo alyas CJ Pilar, Delson alyas Etring at Efren. Ganon man tila walang alam at dedma lamang sa operasyon ng mga ito si San Pascual Police chief Major Ricky M. Fornolles.
Duda ng MKKB na front din ang burikian nina Agojo sa bayan ng San Pascual sa malalaking transaksyon ng kalakalan ng droga, batay sa nakalap nilang impormasyon na ang kaanak ni Agojo, na isang sentensyadong drug lord na nakapiit sa National Bilibid Penitentiary sa Muntinlupa City, ay nagsu-supply ng shabu sa kuta ng sindikato na nababantayan din ng mga pulis at armadong kriminal na body guard nina Agojo.
Hiniling din ng MKKB kay PBBM na silipin ang kolektong activity ni alyas Sgt. Adlawan, isang Davao Boy na kung tawagin sa police at underworld circle ay “kapustahan”, dahil ito umano’y conduit at binibigyan ng payola ni Dondon Alahas, Agojo alyas CJ Pilar, isang DDS na PNP Colonel at kanyang administrador, bagman at hitman na si alyas Sgt. Buloy upang makapag-operate ng burikian, colorum van at illegal terminal sa Batangas City Pier para sa mga matataas na PNP, NBI, BOC at Coastguard.
Kasali din sa milyones na lingguhan at buwanang payola o intelhencia ang ilang tanggapan ng opisyales ng Region 4A Land Transportation at Land Transportation Regulatory Board (LTFRB) offices na kinokolekta naman ng isang alyas Randy Playboy upang luwagan ang operasyon ng colorum van at illegal terminal na namumutiktik sa Batangas, pinakatalamak nito ay sa Batangas City Pier, SM Mall, Lipa City, Bauan Petron Gasoline Station.
Bumibiyahe ang mga colorum van mula sa Batangas City Pier via Dasmarinas City at iba pang siyudad at bayan sa Cavite, Lucena City, Quezon at mga lalawigan ng Laguna at Rizal at vise versa,, Batangas City via Palapala, Dasmarinas City; Tagaytay City via Bauan; Xentro Mall, Lemery, Batangas via Tagaytay City- Palapala Dasmarinas City at Nasugbu, vise versa at iba pang bahagi ng CALABARZON at Metro Manila.