Advertisers
Naaresto na ang lahat ng mga suspek sa robbery incident sa loob ng University of the Philippines-Diliman sa Quezon City noong Martes.
Sa report, umaga Miyerkoles nang mahuli ang ikatlong suspek na isa rin menor de edad o 16 anyos na lalaki.
Ayon sa biktima, tatlong kalalakihan ang lumapit sa kanya noong hatinggabi ng July 9.
Nagpakita ang mga suspek ng kutsilyo at nagdeklara ng hold-up. Nang humingi ng saklolo ang biktima, agad siyang sinaksak ng mga suspek at tinangay ang kanyang cellphone, wallet na may IDs, ATM card, at P500 na cash.
Isang residente ang nagdala sa biktima sa Diliman Doctors Hospital. Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya at nakakuha ng CCTV footage mula sa Barangay UP Campus.
“Yung ating mga imbestigador ay matyagang nag-backtracking ng CCTVs sa labas ng UP campus para makita kung sino ang pumasok at lumabas na mga tao sa loob ng UP at maraming nakipagtulungan na concerned citizen,” sabi ni Quezon City Police District (QCPD), Brig. Gen. Redrico Maranan.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tatlong suspek.
Dagdag ni Maranan, makikipag-ugnayan sila sa pamunuan ng UP tungkol sa insidente para mapag-usapan kung paano maiiwasan maulit ang panghoholdap.
Inirekomenda na ng QCPD sa UP Diliman administration na magdagdag ng security personnel at maglagay ng dagdag na CCTV camera sa naturang campus.
Nagpapagaling pa rin sa ospital ang biktima.