Advertisers
ARESTADO ang 35-anyos na lalaki nang silaban nito ang kanilang bahay nang mag-away sila ng kanyang kapatid sa Calatrava, Negros Occidental noong Lunes.
Ayon kay Fire Officer 1 Manuel Ardo ng Calatrava Municipal Fire Station, nangyari ang insidente sa bahay na tinitirhan ng pamilya ng magkapatid sa Sitio Relocation 1 sa Barangay Bantayanon sa nasabing bayan.
Nauna rito, kinumpronta ng stepbrother ang suspek na si Leonardo dahil sa pagsipa ng huli sa kanyang anak.
Nagalit ang suspek sa paninita ng kapatid hanggang sa nagkasagutan sila. Umalis na lang umano ng bahay ang nakababatang kapatid para hindi na lumala ang kanilang away pero hindi pa rin kumalma ang suspek.
Nakita ng kanilang ina na kumuha ito ng gasolina, isinaboy sa bahay nila at saka ito sinilaban.
Ayon kay Ardo, nasa P180,000 ang halaga ng nasirang ari-arian ng pamilya.
Dinakip ang suspek at mahaharap ito sa kasong arson.