Advertisers
Ni Nick Nañgit
TRENDING ngayon si Rico Yan, bagama’t dalawampung taon na ang nakalilipas mula nang pumanaw ang aktor sa batang gulang na dalawampu’t pito lamang.
Kahit walang dahilan upang gunitain ang kanyang buhay o kamatayan, minabuti nating silipin na lamang ang kanyang astrological charts – sa araw ng kapanganakan at araw ng kamatayan – para matigil na ang mga echoserang palaka na nagtatawag ng patay.
Isang Pisces Wood Rabbit si Rico. Ang Ascendant niya ay nasa Gemini 28.46°, samantalang ang Moon 5.05° at Venus 23.01° ay nasa Aries. Ang MC ay nasa Pisces 2.29° din. Ang Black Moon Lilith o BML ay nasa unang trine ng Pisces. Ang 7th House ay nasa Capricorn, at ang 8th House ay nasa Aquarius. Nasa ikatlong sangdosena ng kanyang buhay nang siya ay pumanaw. Ayon sa balita, acute hemorrhagic pancreatitis daw ang sanhi na ang maaaring dahilan, sa maraming kaso na kagaya ng sa kanya, ay alcohol at drugs.
Nasa Aries Horse ang petsa noong siya ay binawian ng buhay. Ang Ascendant ay nasa Cancer 8.34°, samantalang ang Moon ay nasa Libra 14.01°. Ang Venus 26.11° at MC 5.35° ay nasa Aries na. Gaya ng araw ng kanyang pagsilang, ang 7th House ay nasa Capricorn at ang 8th House ay nasa Aquarius.
Ano ang ibig sabihin ng mga ito?
Nakatakdang maging mapangarapin, praktikal, at tahimik si Rico. Ang tingin ng madla sa kanya ay masiyahin at kagiliw-giliw. Ito rin ang ipinapakita niya sa kanila. Ang saloobin niya at paghahanap ng pagibig ay may kapusukan at tila may pananakop, subali’t nangingimbabaw muna ang pagseseguro niya ng estabilidad sa pananalapi at pag-iipon.
Kumbaga, siya ang magsisimula at hindi mag-aatubiling magpahiwatig ng kanyang damdamin sa simula pa lang o maging sa pagtatapos ng kahit na anong ugnayan. Hindi siya papasok sa relasyon kung hindi pa siya handa, at una rin siyang lalabas kung hindi na niya kakayanin ang gastusin dito.
Noong isinilang siya at namatay, ang ika-pitong tahanan na tumutukoy sa relasyon ay nasa senyas ng kaayusan sa kaperahan. Ito ang priority niya. Ang ikawalong tahanan naman na tumutukoy sa kamatayan ay nasa senyas ng pagbabago. Hindi nga lang niya maibahagi, maging sa pinakamalalapit niyang kaibigan o kapamilya, ang kanyang mga problema. May kinalaman ito sa gusto niyang mangyari, subali’t hindi niya magawang baguhin.
Kapansin-pansin na ipinanganak siya sa huling zodiac sign at namatay sa unang zodiac sign. Ang gagampanan niyang papel sa mundo ay pasisiyahin ang pamilya at ang paglisan niya ang magsisimula ng bagong kabanata ng pagbabago rito, kung ano man ang pinagdadaanan nilang lahat.
Noong huling araw niya, ang magiging tingin ng mga tao ay may suliranin siyang itinatago na may kinalaman sa tahanan. Pero, hindi alam ng lahat na maiaayos niya ito sa paraang handa na siya sa pagbabagong siya lang ang makagagawa. Tandaang markado ang kapusukan at pagtatalo sa loob ng kanyang katauhan, at pinili niya ang landas ng elemento ng Hangin.
Sa lahat ng zodiac signs, pinakamababa ang kumpiyansa sa sarili ng mga Pisces. Marami sa kanila ang nagpapakamatay, dahil hindi nila nakakayanang harapin ang pisikal na mundo sa mundo ng kanilang mga panaginip. Pero, sinisimbolo ito ng dalawang isda. Ang isa’y nasa ibaba, ang isa nama’y nasa itaas. Kapag pinili nila ang ibaba, nalululong sila sa bisyo, lalo na’t may kinalaman sa elemento ng Tubig Kapag naman pinili nila ang itaas, nagiging sobra silang tanyag at matagumpay.
Dapat sanang natutunan ni Rico na i-kontrol ang mga kalabisan, kung meron man. Hindi niya ito nagawa. Bumigay siya sa ilang bagay na siyang nagiging sanhi ng pagkasira ng mga Pisces na ipinanganganak sa unang sampung araw, dahil nga ang MC at BML niya ay dito nakaturo, kahit na ipinanganak siya sa huling trine na siyang kinalalagyan ng mga tumatandang walang karelasyon o kaya’y nagiging mapag-isa. Kaya pala noong araw na yun, natagpuan na lamang siya ng kaibigang artista rin na si Dominic Ochoa na nakahandusay na sa kuwarto noong Semana Santa habang nagbabakasyon sila sa Dos Palmas, Puerto Princesa, Palawan.
Yaman din lamang na napag-uusapan ng marami ang kanyang kaluluwa, may mga nagtatanong sa akin kung nagpaparamdam ba ang multo ng yumao kapag ang pangalan nito ay binibigkas?
Ang sagot ay, hindi lagi.
Kapag mapayapa na ang kaluluwa at nakatawid na sa liwanag, hindi na nito babalikan pa ang huling naging buhay niya. Isa na lamang siyang alaala. Maging sa mga mahal niya ay hindi na siya magpaparamdam pa. Wala na kasing dahilan. Kaya na nila ang kanilang mga sarili. Putol na rin ang ugnayan nila, kaya nga sinasabi nating nananahimik na ang pumanaw. Yung mga nagsasabi sa socmed na nararamdaman pa nila ang namatay, kahit hindi naman, ay mga buang. Nagpapapansin o nagpapasikat lamang. At kulang sa pagmamahal.
Kapag ang namatay ay maraming problema o kaya’y may hindi nagawa o natapos, hindi ito makatatawid sa liwanag. Babalik ito, lalo pa’t nakadikit siya masyado sa mga ari-arian o sa estado kung saan siya nakitlan ng buhay nang biglaan. Hihilahin siya pabalik ng mga negatibong enerhiya.
Maaring magparamdam pa siya sa kanyang mga mahal sa buhay, para humingi ng tulong. Hindi na kasi niya kaya pang ipagdasal ang sarili. Pananagutan na niya ang lahat nang kanyang nagawa.
Maaari rin namang hindi na siya magparamdam sa pamilya at, kung sakali, sa ibang lugar o pamilya na siya mamamalagi, lalo na’t pareho ang enerhiya nito sa enerhiya na kanyang naranasan noong mga huli niyang sandali. Yung iba namamalagi sa dating tirahan, pero wala na ang pamilya nila doon at ilang daang taon na ang nakalipas. Lahat ay sinusundo, para nga naman makatawid na ng maluwalhati sa liwanag. Kung sasama sila o hindi, nasa sa kanilang pagpapasya.
Sa ganang Rico Yan, huwag na nating balikan. Ginagambala lamang natin ang ating mga sarili, HINDI siya, dahil wala na siyang pake sa pisikal na mundo, at lalong lalo na sa mga miron at epal.
At lalong huwag magtatawag ng patay, gamit ang kung anu anong pamamaraan, gaya ng Spirit of the Glass o Coin o kaya ang Ouija Board. Nagbubukas ka ng portal kapag ginawa mo yan. Lagusan yan. Kung hindi mo alam ang ginagawa mo o hindi ka nagagabayan ng marunong dito, maaaring magdulot sa iyo ng kapahamakan ang iyong katangahan.
Yun na muna. Isipin ninyo na lamang ang inyong mga sarili. Tiyakin mong makatatawid ka sa liwanag at hindi magiging isang pakalat kalat na multong Marites.
Maiba tayo. Balikan natin ang konsyertong Timeless 2. Para sa mga taga ibang bansa, maaari ninyo pa ring mapanood ito via online link. May libreng tarot reading pa kayo at makatutulong sa Hospicio de San Jose. Mag mensahe lamang kung paano kina Grace Almazan, at magpadala ng sulatroniko sa ariel1996mermaid@gmail.com. Yan din ang email kung may mga katanungan kayo tungkol sa astrolohiya, crystals, at iba pang uri ng kababalaghan.
Abangan ang inaayos nating bagong channel at website ng Nickstradamus at ang mga serye ng Stories of the Unknown sa 89.5 The Playroom, para mas matuto at matuwa kayo sa mga inihahandog naming paksa, kasama ang chikahan ng maraming OFWs sa iba’t ibang panig ng mundo.
Hanggang sa muli, Light Love and LIfe, lalo na kay R, Namaste!