Advertisers
Ni Blessie Cirera
SA kabila ng busy na iskedyul dahil sa trabaho sa kanyang hometown na Wisconsin, USA, nagagawan pa rin ng paraan ng Pop Rock Diva na si Rozz Daniels na mabigyan ng panahon ang kanyang love for music/singing.
Last July 4 ay naging special guest performer si Rozz sa birthday ng kaibigan na si Juliet Macaranas. Nagbigay siya ng ilang awitin. Kasama rin niyang nag-perform ang kapwa singer at kasamahan sa KUMU show na The Rocks & Rozz Show na si Irelyn Arana.
Gayundin, dadaluhan ni Rozz ang Global Inspiration 2nd Annual Gala na idaraos sa Double Tree Hotel , Madison, Wisconsin sa August 17, 2024.
Kasabay nito ang Mardi Gras Party na gaganapin din sa naturang araw kaya for sure, marami ang mag-eenjoy.
Ngayon pa lang ay naghahanda na ang singer ng espesyal na production number na tiyak na maiibigan ng mga naroroon.
Samantala, muling lalabas ng bansa (Wisconsin) si Rozz para magtungo sa Cancun, Mexico sa Oct. 3-7, 2024 para maging bridesmaid sa renewal of vows ng isang kaibigan. Siyempre, kasama niyang dadalo sa okasyon ang Amerikanong mister na si David Daniels.
At muli ay pinaaalala ni Rozz na ngayong July 20 na gagawin ng FAAWIS (Filipino Association of Wisconsin) ang Summer Picnic sa Wirth Park, Pilgrim Road, Brookfield, Wisconsin.
Open ang nabanggit na event sa magkakapamilya at magkakaibigan para sa isang araw na puno ng mga palaro, katuwaan at kainan.
Para sa mas ikasasaya ng lahat, magdaraos ang FAAWIS ng volleyball tournament na pamamahalaan ni Rozz kaya tiyak na mag-eenjoy ang lahat ng dadalo. Tsika pa nga ni Rozz, sagot daw niya ang isang buong lechon na pagsasaluhan ng mga darating.
Gayundin, wala nang pagkapigil ang pagbabalik-Pinas ni Rozz ngayong December para magdaos ng isang Christmas show na katatampukan ng kanyang mga anak-anakan sa KUMU’s The Rocks and Rozz Show na sina Jerome Sang, Dwayne White, Annalyn Torregosa, at Arnel Legaspi.
Nabalitaan pa natin na posibleng makasama sa show si Ms. Irelyn sakaling matuloy rin ang pag-uwi niya rito sa bansa sa Disyembre.
‘Wag ding kalimutan ang pagre-record ni Rozz ng female version ng Ibang-Iba Ka Na na original song ni Renz Verano at mula sa EBQ Music Records kaya abangan ang lahat ng kaganapang ito.