Advertisers
HIMAS rehas ngayon sa piitan ang isang lalaki nang arestuhin ng mga awtoridad matapos na ireklamo ng isang construction worker na pinagbantaan nito gamit ang baril sa isang barangay sa lungsod ng Pasay.
Sa ulat na natanggap ni PCol Samuel Pabonita, acting Chief of Police, Pasay CPS, nakilala ang suspek na si Don Medina y Abinoman, lalaki, 36-anyos, company driver at nakatira sa 85 Idong St., Brgy. Dalayap, Candaba, Pampanga.
Ang suspek ay positibong itinuro ng complainant na si Ronel Fajardo y Morin, lalaki,25-anyos, binata, construction worker, at residente ng Blk. 18 Lot 66 Saint Cecille Street, Maricaban, Pasay City.
Batay sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap bandang alas-5:55 AM noong Lunes, Hulyo 15 2024 sa St. Cecille St., Barangay 178 ng Maricaban.
Nabatid na nilapitan ng complainant ang mga pulis at sinabing pinagbantaan siya ng suspek gamit ang baril at itinuro ang kinaroroonan nito sa nasabing lugar. Nang matunugan ng suspek ang presensya ng mga pulis ay sinubukan nitong tumakas, ngunit dahil sa mabilis na pagresponde ng mga awtoridad ay napigilan nila ang suspek.
Sa proseso, narekober mula kay Medina ang isang Colt .45 caliber pistol na walang serial number at dalawang magazine, bawat isa ay may kargang pitong basyo ng .45 caliber live ammunitions. Humingi ang mga pulis ng anumang kaukulang dokumento para magkaroon ng baril ngunit nabigo ang suspek na magpakita nito.
Si Medina ay dinala sa himpilan ng pulisya para sa mga Kaso ng Grave Threat at R.A. 10591 at Illegal possession of Firearms and ammunitions. (JOJO SADIWA)