Advertisers
SA itinatakbo ngayon ng mga imbestigasyon ng Senado sa kontrobersiyal na POGO hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga, mukhang malapit nang matumbok ang pinaka- “Ninong” ng mga “kriminal” na Intsik na nakapagpundar ng mga kuwestiyunableng negosyo sa Pilipinas noong Duterte administration.
Oo! Nabuking sa mga imbestigasyon na ang utol ng umano’y “drug lord” na Michael Yang, ang dating economic adviser ni ex-President Rodrigo Duterte, ay share sila ng bank account ng incorporator at financier ng sinalakay na Philippine offshore gaming operators (POGO) hub sa Bamban, ayon sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Sinabi ng AMLC na ang utol ni Michael Yang na si Hongjiang Yang ay co-depositor ni Yu Zheng Can sa dalawang Philippine Business Bank (PBB) accounts, na subject ng isang “freeze order”, matapos ang ginawang imbestigasyon sa mga naging transaction ni suspended Bamban Mayor Alice Guo.
Nabunyag na si Can ay nagmamay-ari ng 36.86 percent ng Hongsheng Gaming Technology Inc., na nakatayo sa Baofu compound ni Gou, at sangkot sa mga online scam, illegal gambling at human trafficking.
Si Can ay isa sa mga target ng pulisya sa pagsalakay sa Baofu noong Pebrero ng taon, pero nakatakas ito dahil may nag-tip sa nakatakdang raid.
Sa ginawang pagbusisi ng AMLC, nakita ang bank accounts sa pangalan nina Can at Hongjiang na 364 transactions mula 2018 hanggang 2022 na nagkakahalaga ng P3.299 billion. Wow!!!
Uulitin ko, P3.299 billion! Isang barge ng pera ito, mga pare’t mare.
Ang pinakamaraming pumasok na pera ay mula 2019 hanggang 2022, “which is likewise the material timeline of Hongsheng,” sabi ng AMLC.
“This would only point to the conclusion that Can is one of the financiers of Hongsheng, which would also include the development of the Baofu compound,” sabi ng AMLC.
Si Gou, sabi ng AMLC, ay nananatiling stockholder ng Baofu.
Sinabi naman no Senador Risa Hontiveros, si Hongjiang ay incorporator ng Full Win Group of Companies, na sangkot naman sa kontrobersiyal na korporasyon ng Pharmally Pharmaceutical, hindi kilalang kompanya na nakakuha ng bilyon bilyong pisong halaga ng kontrata sa pandemic supplies noong Duterte administration.
Matatandaan na nang magkaroon ng Senate probe sa Pharmally noong Duterte administration, lumabas ang pangalan ni Michael Yang, pero kaagad nilinis ni Digong. Maayos daw na negosyante si Yang. Matagal niya na raw itong kakilala, mula pa mayor siya ng Davao City. Bilyonaryo daw ito.
Pero sa mga imbestigasyon sa droga, lumalabas ang pangalan ni Yang na isa itong drug lord.
Si Yang ay may arrest warrant na mula sa Senado dahil sa ‘di niya pagsipot sa mga pagdinig sa isyu ng droga. Matagal na raw itong lumayas sa Pilipinas, pagkatapos ng termino ni Duterte.
Malapit nang matumbok ito. Subaybayan!