Advertisers
Nadiskubre ang isang patay na lalaking fetus matapos makalkal ng isang mangangalakal ng basura sa Valenzuela City, Huwebes ng gabi.
Sa tinanggap na report ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, 10:00 ng gabi nang matagpuan ng saksing si alyas Alex, 18, scavenger ng P. Faustino St., Brgy. Punturin ang fetus sa harap ng isang convenience store sa Kabesang Porong St., Brgy. Punturin.
Base sa pahayag ni ‘Alex’ sa pulisya, habang nangangalakal siya ng basura sa naturang lugar nang madiskubre niya ang patay na fetus na nakasilid sa isang green na plastic bag at nakabalot ng tela.
Kaagad ipinaalam ng saksi sa mga tanod ng barangay Punturin ang kanyang natuklasan na sila namang nagreport ng insidente sa mga tauhan ng Bignay Police Sub-Station (SS-7).
Dinala ang fetus sa NPD Forensic Unit para sa autopsy examination sa pamamagitan ng pasilidad ng Philip Sabino Funeral Service habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa nagtapon sa fetus sa nasabing lugar.
Sa follow-up operation ng pulisya, natunton ang suspek na nasa loob ng MTC branch 108 na may dinidinig na hearing sa kasong estafa.
Kinilala ni PCol.Cayaban ang suspek na si alias “Daisy” na kusang umamin sa pagtapon ng fetus sa tapat ng convenience store 5:32 ng hapon ng Huwebes sa isinagawang interogasyon ng pulisya.( Beth Samson)