Advertisers
Ni Rommel Placente
SA panayam ni Pokwang kay Ogie Diaz, emosyonal niyang ibinunyag ang mga hindi magandang experience na dinanas niya noon sa piling ng ama ng bunso niyang anak na si Malia.
Ayon sa kanya, nagsimula na ang kanilang hindi pagkakaintindihan noong mga panahong ipinagbubuntis niya ang anak.
Nahuli na raw niya noon pa ang dating karelasyon na panay ang like sa sexy photos ng mga babae sa social media.
Nang tapatin daw ni Pokwang si Lee ay bigla na lang siyang minura nito at binuhusan pa ng tubig habang nagpapahinga.
Dagdag pa niya, naisipan din niyang lumayas noon sa kanilang tirahan kahit pa maselan ang kanyang pagbubuntis ngunit hindi man lang nagpakita ng pag-aalala si Lee sa kanya.
Kuwento ni Pokwang, “Pero hindi ako hinanap, kusa akong umuwi kasi si Mae Mae nag-internship sa Europe. Nagtataka si Mae-Mae, ‘Asan ka ba? Ba’t ganiyan-ganiyan?’ Umuwi na lang ako kasi baka makahalata ‘yung bata.
“Ayoko mag-alala anak ko kasi nasa malayo siya, e. Umuwi ako never ako hinanap niyan.”
Ayon pa sa komedyana, ilang beses na rin siyang muntikang makunan dahil sa nararamdamang stress.
“Ilang beses akong muntik makunan. Ilang beses akong nakunan dahil sa stress sa kanya.
“Kung hindi ko pinaglaban si Malia, na ini-injection ako ng pampakapit, walang Malia dahil sa stress ko sa kanya. Pinaglaban ko lang, ‘di ba?” sey pa ni Pokwang.
Nagbago naman daw ito kahit papaano nang dumating si Malia ngunit naging iresponsable pa rin itong ama at partner sa kanila.
“Mahal niya dahil bata. Pero ‘yung ginampanan niya pagiging ama, never. Hindi nga siya nag-effort na mag-ayos kami ulit, ‘di ba?” aniya pa.
“Kung talagang mahal niya ‘yung anak niya. Kung talagang mahal niya kami gagawa ng effort ‘yan. Parang feeling ko gumawa siya ng paraan para makaalis.”
Ani Pokwang, pinili raw niyang itago ang ganitong mga detalye noon sa kanyang mga kaibigan, pamilya, maging sa publiko dahil nais daw niyang ayusin ang kanilang pamilya.
Ngunit sa kabila ng kanyang pagtitiis ay nauwi pa rin sila sa hiwalayan dahil hindi na rin niya kinaya ang ginagawa ni Lee sa kanila.
Nang tanungin naman si Pokwang kung sasabihin pa raw ba niya kay Malia ang isyu sa pagitan nila ng dating karelasyon, sinabi nitong wala siyang balak isikreto sa anak ang nangyari.
“Wala naman akong isisikreto sa kanya, e. Ako, sa mga anak ko lahat ng nangyari sa buhay ko kahit si Mae Mae, alam nila wala akong sinesekreto,” sey pa ng komedyana.
Nagbigay naman ng mensahe si Pokwang para sa mga tulad niyang biktima rin ng pang-aabuso.
“Unang una, lumaban kayo hindi dahil mahal mo pa siya, hindi. Lalo na kapag may anak kayo. ‘Yung karapatan nu’ng bata,” sabi pa ng Kapuso actress.