Advertisers
Ni Archie Liao
AMINADO si Diana Zubiri na na-miss niya ang showbiz mula nang pansamantala siyang magpahinga sa limelight.
Mula kasi nang mag-asawa siya, naging prayoridad na niya ang kanyang pamilya.
Gayunpaman, hindi raw naman niya tuluyang tinalikuran ang mundo ng showbiz dahil meron naman siyang vlog kung saan nagkakaroon siya ng koneksyon sa kanyang mga tagahanga.
“Totoo yata ang kasabihan na kapag passion mo ang isang bagay, hahanap-hanapin mo,” bungad niya. “Tulad ng acting, parang nasa sistema ko na siya,” dugtong niya.
Hirit pa niya, iba rin daw klaseng fulfillment ang ibinibigay sa kanya ng pag-arte.
“Bilang aktres, ang sarap lang na nabibigyan mo ng buhay iyong iba’t ibang karakter na pino-portray mo.Iba iyong klase ng fulfillment,” bulalas niya.
Masaya rin siya na kasama siya sa cast ng upcoming GMA series na “Mga Batang Riles” kung saan kabituin niya ang Star Magic artist na si Desiree del Valle.
“Nakakatuwa kasi malaking tulong ‘yun sa mga artista na magkaroon ng opportunity na lumabas sila sa iba’t ibang channel and siyempre, to work with other celebrities,” pahayag niya.”Kasi before, parang wini-wish mo lang na makatrabaho mo lang sila. But then again, hindi siya possible kasi mayroon nga tayong exclusivity sa network pero ngayon, very exciting kasi sa show namin makakasama namin si Desire Del Valle na homegrown siya ng ABS-CBN,” pahabol niya.
Naniniwala rin siyang magandang senyales ang kolaborasyon ng ABS-CBN at GMA-7 para makapaghatid ng mas pinaigting na mga panoorin.
Dahil open na sa co-production ang dalawang network, wish naman niyang makasama muli sa isang proyekto ang kanyang Encantadia co-stars na sina Iza Calzado, Sunshine Dizon at Karylle.
Si Diana ay isa sa mga naging panauhin na nakiisa sa National Hopia Day na kasalukuyang nagaganap sa SM Mall of Asia Music Hall.
Ang naturang event ay dinaluhan din nina Isko Moreno, Cory Quirino at ng Eng Bee Tin President at CEO Gerie Chua na inspirasyon ang mensahe ng tagumpay sa mga struggling entrePinoys.