Advertisers
TULAD ng di masugpo at talamak na operasyon ng sindikatong buriki/paihi ng petroleum at oil product sa CALABARZON ay hindi maitatatwang may mga “pader na sinasandalan” ang mga nagpapatakbo ng colorum van at illegal terminal na tumatabo ng tinatayang hihigit pa sa Php 8M araw-araw sa Luzon lalo’t higit sa CALABARZON area at Metro Manila.
Sa CALABARZON at kalakhang Maynila ay may 5,000 mga pampasaherong van na walang prangkisa kaya’t kung tawagin ang mga ito ay colorum.
Kung anong ingay ng mga opisyales ng gobyerno na nagsusulong ng Public Utility Vehicle Modernization (PUVM) Program tulad ng Department of Transportation (DOTr) ay tikom naman ang bibig ng mga ito sa talamak na operasyon ng mga peligrosong pagbiyahe ng mga walang permit to operate na mga pampasaherong van na may di halos mabilang na walang kaukulang permission ng terminal.
Pagkat walang prangkisa mula sa Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB) kaya’t ang mga pasaherong kapit sa patalim na sumasakay sa mga naturang behikulo ay hindi protektado at walang insurance coverage maging ang mga tsuper at konduktor ng mga ito.
Sa Metro Manila pa lamang ay tinatayang may 900 ruta na ang napapasok ng colorum van operation. Sa buong CALABARZON at maging sa ilang panig ng Kabisayaan ay aabutin na sa libu-libong ruta ang ginagalawan ng mga colorum van na di naman naaksyunan ng mga awtoridad lalong lalo na ng LTO, LTFRB at PNP.
Pinakamalawak ang operasyon ng colorum van na may tinatayang aabutin sa 1,000 miyembro na kung tawagin ay Alakdan o Scorpion Group na may ruta at illegal terminal sa ibat ibang siyudad at bayan sa lalawigan ng Batangas at Batangas City Pier Colorum Van Association.
Ang mga colorum van na pinapatakbo ng mga underworld character na ex-convict na si Alakdan, alyas Chairman Toto at pulis na si alyas Sgt. Laysa aka Luisa ay may mga ruta mula sa kanilang illegal terminal sa SM Lipa City; sa Petron Gas Station sa bayan ng Bauan, Batangas via Palapala, Dasmariñas City; Tagaytay City via Bauan; Xentro Mall, Lemery, Batangas via Tagaytay City; Palapala Dasmariñas City at Nasugbu,Walter Mart, Calicanto, Batangas City Via Balayan; Arce Subdivision, Brgy. Kumintang Ilaya, Batangas City Via Nasugbu; SM Batangas City Via Bauan; Petron Gasoline Bauan Via Tagaytay City; Walter Mart, Balayan Via Batangas City; Walter Mart Nasugbu Via Batangas City at SM Lipa City Via Bauan; Walter Mart Tanauan City Via Palapala Dasmariñas City at Lemery via SM Lipa City at maraming iba pa.
Bawat colorum van na pinatatakbo ng grupo nina Alakdan ay may palatandaan o markings na Alakdan o Scorpion upang kaagad na makilala ng kanilang mga protektor mula sa DOTr, Region 4A Land Transportation Office (LTO), Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB)), PNP Highway Patrol Group (PNP-HPG) at iba pa nilang mga kasabwat.
Isang Duterte Die Hard Supporter na PNP colonel naman at ang katiwala/hitman nitong pekeng police Sgt. BULOY at dalawang pulis ang nagpapatakbo ng biyahe ng colorum van ng Batangas City Port Colorum van Transport sa kanilang illegal terminal ng Bureau of Customs (BOC) parking area sa loob ng Batangas City Port Compound sa barangay ni Sta. Clara Chairman Derick Arago.
Ang grupo nina Alakdan, alyas Chairman Toto at alyas Sgt. Laysa aka Sgt. Luisa ay kumukolekta ng Php 800 butaw sa kada byahe ng mga colorum van, kalahati nito ay napupunta sa isang alyas Randy Playboy para sa pangalan ng ilang opisyales ng DOTr, LTO at LTFRB.
Ang milyones na kaparte para sa pangalan ng mga top PNP official mula sa tanggapan ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa Camp Crame, PNP Region 4A, Batangas PNP Provincial Police Office at lokal na kapullisan ay kinokolekta ng isang dismissed na PNP Sgt. Adlawan ay inireremit sa isang alyas Maklang at Wano na tagapamudmud naman ng intelhencia sa ilang mga protektor na opisyales ng kapulisan.
Kung papaanong masusugpo ang kabalbalan na ito ay matinding hamon kina DOTr Secretary Jaime Bautista, PDGen. Rommel Francisco Marbil, LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III, R4A Land Transportation Office (LTO) Director Elmer Decena at iba pang pinuno ng government law enforcing agency.
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144