Advertisers

Advertisers

Tinalupan ni Sen. Go, PhilHealth kumambyo sa contribution hike

0 10

Advertisers

“Bawat piso po ay napakahalaga!”

Ito ang tugon ni Senate committee on health chairperson Senator Christopher “Bong” Go nang isara niya ang pagdinig ng Senado sa pagpapatupad ng Universal Health Care Act, o Republic Act No. 11223.

Ginawa ni Go ang pahayag matapos mangako si Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) CEO at President Emmanuel R. Ledesma, Jr. na agad niyang irerekomenda kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pagbabawas sa premium rate contribution ng mga miyembro sa harap ng mga rebelasyon sa humigit-kumulang P500 bilyong PhilHealth Reserve Fund at ang pag-transfer sa National Treasury ng P90 bilyong labis na subsidy ng gobyerno para sa PhilHealth.



“Mabigat po ‘yung kontribusyon na iyan tapos makikita (ng members) may natitira pang balanse ang PhilHealth,” idiniin ni Go.

Sa kanyang pambungad na pahayag, hiniling ni Senator Go sa PhilHealth na suspindehin ang pagpapatupad ng 5% pagtaas nito sa premium contribution na nagkabisa simula noong Enero 1, 2024.

“At kung sobra naman ang pera ninyo (PhilHealth), huwag ninyo na lang muna kolektahan ang mga OFWs natin o huwag muna i-implement yung pagtataas ng contributions para sa direct contributors,” ani Go na nagsabing sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic ay hindi itinuloy ang PhilHealth premium hike.

Isa rin si Go sa co-author at co-sponsor ng Senate Bill 2620 na nagsasaayos ng premium contribution rates at nag-uutos na hindi dapat kolektahin ang mga hindi nabayarang kontribusyon ng distressed migrant workers sa kanilang pagbabalik sa bansa.

Noong 2021, iniutos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa PhilHealth na ipagpaliban ang nakatakdang pagtaas ng premium contributions para sa taong iyon matapos umapela si Senador Go sa finance managers ng gobyerno at sa mga kapwa mambabatas na isaalang-alang ang pagpapaliban.



Kilala bilang “Mr. Malasakit”, nababahala si Sen. Go sa inflation o patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, kabilang ang mga serbisyong pangkalusugan at dito gumaganap ng mahalagang papel ang PhilHealth.

“Huwag natin pahirapan ang ating mga kababayan. Pera naman nila ito. Ibalik lang natin sa kanila sa pamamagitan ng mas mabilis at mas maayos na serbisyo,” anang mambabatas.

Bilang tagapangalaga ng kalusugan ng publiko, pinukaw ni Senator Go sa maraming pagkakataon ang isyu ng hindi nagamit na pondo ng PhilHealth at kinuwestiyon kung bakit hindi nagamit ang mga resources na layong tulungan ang mga maysakit na Pilipino.

“Hindi po katanggap-tanggap na may pondong nandyan na hindi nagamit para matulungan ang bawat Pilipinong miyembro naman ng PhilHealth,” ayon sa senador.

Bahagi ng Senate inquiry na alamin kung bakit may malaking halaga ng pondo ang PhilHealth na hindi nagamit gayong maraming pasyente ang nahihirapan sa pagbabayad sa hospitalization at medical bills.