Advertisers
Ginunita at pinapurihan ni Mayor Honey Lacuna ang kanyang yumaong ama na si dating Manila Vice Mayor Danilo ‘Danny’ Lacuna sa kanyang ikatlong State of the City Address (SOCA) na ginanap sa punum-punong PICC Forum Tent kamakailan lamang.
Ani Mayor Honey, nagsimula ang kanyang kuwento ng paglalakbay sa pulitika noong 2004.
Isa siyang Doktora na biglang nagka-interes na pumasok sa pulitika. Pinagbawalan siya ng kanyang ama, dahil nangangamba ito na ang kanyang anak na babae ay hindi kailanman magiging handa sa buhay na malungkot at “mapagkanulo” sa mundo ng politika.
Pero ayon kay Mayor Honey, naging masugid siya.
‘Yan, aniya, ay “sapagkat wala akong ibang nakita sa aking ama, kundi ang pagiging laging masayahin sa pagmamalasakit sa kapwa, kahit sa kanyang pag-iisa.”
“Ito ang aral na mula sa aking pagkamulat, at mapasahanggang ngayon, ay tumatatak sa akin. Kung paano tunay na magmahal, maging sino ka man, ang isang Danny Lacuna.”
Kitang-kita naman ito lalupa’t binanggit ng alkalde na sa bawat araw ng pagtitiwala ng mga taga-Maynila sa kanya at sa bawat araw na siya ay may pagkakataong mapabuti ang buhay ng isang Manileño, ay siya namang inihahandog niya sa alaala ng kanyang namayapang ama.
Sa katunayan, ang kanyang kasuotan sa araw ng kanyang SOCA ay pinagtagpi-tagpi mula sa mga lumang barong tagalog na madalas gamitin ng kanyang ama, noong siya ay haligi pa sa City Hall.
“Sinasagisag nito ang iba’t ibang mukha ng bawat Manileño. Magkakaiba, ngunit nagkakaisa, at bawat isa, may halaga sa kaayusan at kabuuhan ng ating bayan. Ang pangarap ni Danny Lacuna, ay pangako ko sa inyo at sa bawat Manileño,” ani Mayora Honey.
Aminado ang kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila na hindi siya perpekto at alam daw nitong mayroon pang mga kakulangan sa ngayon.
Pero hindi natin ito maaring isisi sa kanya dahil ito ay bunga ng limitadong gugulin ng kanyang pamahalaan na nagmana ng P17 bilyong pagkakautang.
Gayunman, binigyang-diin nito na ang kuwento ng Maynila ay kuwento ng pagpupunyagi, hindi lamang ng Mayor, hindi lamang ng barangayan, kundi kuwento ng ordinaryong mamamayan na di lang umaasa, hindi lang nangangarap, kundi nagpupunyagi para lagpasan ang mga hamon hindi lang ng iisa, “kundi nating lahat. Sama-sama.”
Nanawagan ang lady mayor ng sama-samang pagkilos ‘bilang isang pamilya’ para sa bagong kabanata sa kasaysayan ng minamahal na lungsod ng Maynila.
Hiling din ni Mayor Honey ang patuloy na paniniwala sa kanyang kakayahan na maghatid ng pagbabago, gayundin sa kakayahan ng bawat isang taga-Maynila dahil bagamat malayo na ang narating ng lungsod, marami pang kailangang gawin.
Ani Mayora: “Ito na ang ating pagkakataon, na sama-samang sagutin ang hamon ng ating lungsod. Hindi TAYO titigil. Hindi AKO titigil. Hanggang sa ating makamit, ang pinapangarap nating Magnificent Manila. Mga kapwa ko Manileño, isa pong karangalan ang patuloy kayong pagsilbihan. Ngayon man o bukas, umaraw man o umulan, hinding hindi ko kayo iiwan. Maynila, Ikaw LAMANG ang UNA, Kay Honey Lacuna.”
Sa ipinakitang katatagaan ng loob, determinasyon at paglalahad ng dami ng ginawa niya sa loob ng maikling panahon pa lamang ay talaga namang kabibiliban ang liderato ni Mayor Honey ng lahat ng dumalo sa SOCA.
Masasabi natin na masuwerte ang Maynila dahil iba talaga ang alagang doktora at alagang ina.
Kitang-kita ang malalim niyang pagpapahalaga at pagpapairal ng pagmamahal lalo na sa ‘pamilya’ at kasama na, siyempre pa, ang kanyang mga kapartido sa Asenso Manileno na itinatag ng kanyang ama.
Sa kanya, hindi uso ang iwanan para sa personal na interes lamang.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.