Advertisers
MAS mabigat na parusa sa mga mapapatunayang sangkot sa sexual assault.
Isinusulong ni Senator Robinhood Padilla ang Senate Bill 2777 na layong palakasin ang kasalukuyang Anti-Rape Law of 1997.
Tinitiyak ng panukala na hindi lang mas malakas ang ating mga batas kundi mas “gender-responsive,” dahil parehong lalaki at babae na ang nabibiktima ng sekswal na pang-aabuso.
Kasama sa papatawan ng mabigat na parusa tulad ng parusang kamatayan ang mga mapapatunayang nanghalay gamit ang deadly weapon o ginawa ng dalawa o higit pang tao; kung ang biktima ay nasiraan ng bait dahil sa nangyaring panggagahasa; may homicide na nangyari sa pagtangkang rape at ang rape ay ginawa kasama ang “aggravating o qualifying circumstances” base sa artikulo.
Matatandaan namang kontrobersyal ngayon ang sexual harassment sa anak ni Niño Muhlach na si Sandro Muhlach kung saan dalawang independent contractors ng tv network ang sangkot.
***
Samantala humarap na rin sa pagdinig ng Senado ang dalawang independent contractors ng GMA na inirereklamo ng sexual harassment ng aktor na si Sandro Muhlach, ang anak ng sikat na aktor na si Niño Muhlach.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na pinamumunuan ni Senator Robin Padilla, tahasang itinatanggi nina Richard Cruz at Jojo Nones ang akusasyon sa kanila ni Sandro na sexual harassment.
Ayon kay Cruz, tumagal sila sa telebisyon ng halos 30 taon at bilang independent contractors ng isang malaking TV network ay batid nila na kaunting pagkakamali lang ay maaaring ma-terminate ang kanilang kontrata at mawalan ng trabaho.
Aniya pa, maganda rin ang takbo ng kanilang karera, malinis ang kanilang reputasyon at sa tinagal nila sa industriya ay wala silang naging record o reklamo ng sexual harassment at iba pang kaso kaya hindi nila sisirain ang kanilang iniingatan na pangalan.
Sinabi naman ni Nones na sa kabila ng kanilang pagiging bakla ay hindi aniya sila abusers at higit sa lahat ay may takot sila sa Diyos.
Gayunman, naunang inihayag ni Niño Muhlach na nakipagkita sina Cruz at Nones sa kanya sa bahay ni GMA Senior Vice President for Programming, Talent Management, Legal and Human Resources Development Atty. Annette Gozon kung saan humingi ng patawad sa kanya ang dalawang independent contractors sa nagawa dahil inakala nilang okay lang.
Kinukwestyon naman ni Senator Jinggoy Estrada na kung tahasan nilang itinatanggi ang alegasyon na inabuso nila si Sandro bakit aniya hihingi ng paumanhin sina Cruz at Nones kung wala silang ginawang masama sa batang aktor.
***
Suhestiyon at reaksyon tumawag sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email sa balyador69@gmail.com