Advertisers
BUMALIK noong Martes ng gabi sa bansa ang mga atletang Pinoy na lumahok sa Paris Olympics. Mula Villamor Air Base, diretso silang pumunta sa Malakanyang upang dumalo sa isang pagtitipon kung saan pinarangalan sila ni BBM at iba pang sports officials sa kanilang paglahok at pagdala sa bandila ng Filipinas sa nakalipas na olimpiyada.
Bilang pampalubag loob, binigyan ni BBM ng P1 milyon ang bawat atleta na lumahok ngunit hindi nag-uwi ng medalya, P2 milyon sa dalawang lady boxer na nag-uwi ng bronze medal, at P20 milyon kay Carlos Edriel Yulo na nag-uwi ng dalawang ginto. Ipinaliwanag ni BBM na iba pa ang gantimpala na ibinibigay ng batas. Inobligada ni BBM si Pagcor chair at CEO Alfonso Tengco na tapatan ang bawat pabuya sa mga atleta.
Dala ng mga atleta ang kanilang magulang at kaanak sa pagtitipon sa Palasyo maliban kay Yulo na si Cynthia Carrion-Norton at kasintahang Chloe San Jose ang tumayo sa tabi ng pambansang atleta. Doon na rin naghapunan ang mga atleta.
***
MAY dahilan na kabahan si Bato dela Rosa. Madidiin si Gongdi at Bato sa mga kapalpakan na ginawa nang nakaraang administrasyon. Sa formal investigation na kasalukuyang ginagawa ng International Criminal Court (ICC), nakatakdang bumaligtad ang ilang heneral na ginamit ni Gongdi sa palpak na war on drugs.
Hindi lang ito. Tuloy tuloy na gugulong ang imbestigasyon sa Camara de Representante ng Quad Commitee sa usapin ng EJKs at POGO, ilegal na droga at ang pagbenta ng mga lupang panakahan sa mga Intsik. Nagulat si Rep. Jinky Luistro kung bakit mga lupain sa Pampanga ang binibili ng mga nasa likod ng POGO sa bansa.
Bata ni Gongdi si Bato at tapat siyang utusan ng tila baliw na lider ng Davao City. Kung kami si Bato, maigi na bumaligtad na rin siya at idiin si Gongdi. Si Gongdi talaga ang pangunahing lider ng pumalpak na giyera kontra droga na pumatay ng libo-libo. Wala nang iba.
Ngayong araw, magkikita ang mga kasaping mambabatas ng QuadComm sa bayan ng Bacolor sa Pampanga upang siyasatin ang pagbili ng mga Intsik ng mga malalaking lupain panakahan sa Pampanga. Titingnan ang mga dahilan kung paano nagkaroon ng mga dokumento na binili ang mga iyon sa dahilan na gagawin para sa industrial purposes.
Kasama si Bato sa mga opisyales dati ni Gongdi na iimbitahan upang magbigay liwanag sa war on drugs. Sinabi ni Bato na hindi siya dadalo. Tingnan natin kung paano mapipilit ng mga kasaping mambabatas si Bato upang dumalo sa imbestigasyon at magpaliwanag sa QuadComm. May panukalang dakpin si Bato at ikulong kung hindi siya dadalo sa imbestigasyon.
May pahayag si Rep. Robert Ace Barbers ng Surigao del Sur na totoong tumatak sa aming isip. Sinabi ni Barbers, hepe ng komite sa karapatang pantao (human rights), na maaaring gamitin ng ICC ang mga katibayan na makakalap ng QuadComm sa pagsisiyasat ng huli sa mga paglabag na ginawa ni Gongdi sa karapatang pantao ng maraming Filipino dahil sa kanyang madugong war on drugs. Dagdag ebidensya upang madiin si Gongdi at mga kapanalig.
***
MAIGING bumalik na ang Filipinas sa ICC. Ito ang ipinapanukala ni Neri Colmenas, isang dating mambabatas at kasalukuyang abogado ng pamilya ng ilang biktima ng PNP sa madugo per bigong war on drugs in Gongdi. Maiging bumalik na tayo sa ICC upang totoong makatulong ang bansa sa paghahabol sa mga may pananagutan sa mga lider ng bansa na sangkot sa extrajudicial killings (EJKs) ng mga biktima.
Ipinaalaala ni Colmenas na desisyon ni Gongdi na humiwalay ang bansa sa ICC dahil naging personal sa kanya na bigyan daan ng ICC ang sakdal na crimes against humanity na iniharap ni Sonny Trillanes at Gary Alejano laban sa kanya. Paraan ang pagbabalik sa ICC na “malaya” si BBM mula sa mga Duterte. Patunay ito na hindi protektado ni BBM ang mga Duterte sa kanilang krimen sa sambayanan, ani Duterte.
***
ISA kami sa nagulat sa bagong taguri ng mga mambabatas ng Camara de Representante kay Sara Duterte. “LakwatSara,” ito ang tawag sa kanya pagkatapos akusahan ni Sara ng kabiguan na pondohan umano ni BBM ang mga proyekto sa flood control sa Davao City.
Binaha ang Davao City pero kasalanan ni BBM? Anong uri ng katwiran iyan? Mula 1987, ang Duterte na ang namuno sa sa Davao City, pero kasalanan ni BBM kung bumaha na doon. Ipinaalaala nina Kinatawan Jefferson Khongsun ng Zambales at Paolo Ortega V ng La Union na naglagalag si Sara sa Alemanya habang dinalaw tayo ng bagyong Carina.
Nanood lang ng palabas si Sara at hindi bumalik sa Filipinas habang lumubog ang Davao City sa matinding ulan ng dala ng Bagyong Carina. Hindi namin alam kung may pakiramdam si Sara sa mga kababayan. Hindi kalabisan na sabihin na walang silbi si Sara.
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “Tinanong ako kung ano ang tawag sa taong laging naghahamon ng gulo pero umaatras kapag pinatulan. Sagot ko: ‘duterte.’” – PL, netizen, kritiko
“Sara is incapable of serious thought. These observations are being spoonfed to her by people around her to burnish her tattered image ! The 125 million she misspent in a wink or more likely pocketed does not make her knowledgeable about budgeting.” – Dong Garcia, netizen
“Duterte is God’s punishment to an ungrateful people.” – Emily Briones Mollo, netizen
***
Email:bootsfra@gmail.com