Advertisers
Matatandaan na noong sesyon sa Konseho ng Maynila noong Aug. 1, 2024 ay klinaro ng Pangulo ng SK Pederasyon ng Maynila na si Konsehala Juliana Ibay sa Bise Alkalde na si Yul Servo Nieto na dahil sa Republic Act 11768 ay hindi mawawala ang Committee on Youth Welfare and Sports Development sa SK Pederasyon. Sinangayunan ito naman ng Bise Alkalde at sinabi pa na “Hangga’t nandiyan ang batas na iyan ay pasok iyan”. Pero noong huling sesyon, Aug. 13, 2024, nalaman ni Konsehala Ibay na ito’y tinanggal sa kanya at inilipat sa ibang konsehal.
Nanghingi ng klaripikasyon si Konsehala Ibay at ang isinagot sa kanya ni Konsehal Jong Isip ay hindi kailangan bigyang linaw ng mayorya ang kanilang pag-amyenda sa mga batas sa loob ng konseho.
Ang mga ganitong klaseng eksena ay nakakatakot at walang hustisya. Sapagka’t, kahit pa mayorya, ay kailangang bigyang linaw ang kanilang magiging mga desisyon sa mga ganung klaseng bagay lalo na’t halal din naman ng bayan at representante ng kabataan si SK Fed President Juliana Ibay.
Itong desisyon rin ng konseho ay nagbibigay ng “precedent” o pwedeng pagbasehan ng ibang mga barangay. Pinaghihina nito ang karapatan, seguridad, at awtonomiya ng bawat SK Chairman. Dahil, ito’y maaaring gamitin ng mga Barangay Chairman laban sa kanilang mga hindi “kakampi” na SK Chairman at tanggalan rin ng komite ang mga ito.
Ang ating mungkahi sa Bise Alkalde at sa mga konsehal ng Maynila ay panatiliin ang katatagan ng Sangguniang Kabataan sa pamamagitan ng pagsunod sa Republic Act 11768 dahil ito ay ang magpapatunay na hindi nila dinadamay ang kabataan sa kanilang pamumulitika, at para mapatunayan rin nila na inuuna nila ang kapakanan ng karamihan kaysa sa kanilang mga personal na ambisyon.