Advertisers
Nag-uwi ng daan-daang libo papremyo ang ilang mga lumahok mula sa iba’t-ibang lugar at kalapit probinsya sa 39th Kadayawan Festival sa Davao City.
Ang Kadayawan Festival ay taunang dinadagsa ng mga turista at bakasyunista upang saksihan ang pagpapakita ng kultura at kinagawian ng mga tribu sa Davao.
Ilan sa mga lumahok sa ‘open category ‘ ay mula pa sa Davao del Sur, Davao de Oro, Davao del Norte at iba pa.
Sa Calendar of events, isang buwan isinasagawa ang selebrasyon ngunit nitong Linggo, Àgosto 18 maghapon ang tinatawag na ‘indak-indak’ o street dance kung saan may mga pumarada ring mga naggagandahang floats.
Sa song writing competition sa Kadayawan, nag-uwi ng P300,000 ang nanalong kalahok habang daan-daang libo rin ang napanalunan ng mga nagwagi sa open category na nagpakita ng kanilang husay at galing.
Upang maisakatuparan ang patimpalak,malaking bahagi ang naging partisipasyon ng bagong grupo na Puwersa ng Pilipinong Pandagat (PPP) dahil sila ang tumayong sponsor at isa sa mga judges sa nasabing aktibidad.
Ang grupo na naglalayong bigyan boses at proteksyon ang lahat ng mangingisda sa buong bansa ay umani agad ng suporta sa nakaraang festival .
Sa aming panayam kay Bryan Lim na isa sa bumubuo ng grupo, iginiit na tila nalilimutan na ang mga mangingisda na mabigyan pansin at suporta sa kabila ng kanilang pagsasakripisyo kaya naman nais nilang maprotektahan at bigyan sila ng aruga lalo na sa kanilang panghabambuhay na kabuhayan.
Sa kanilang pakikisaya sa 39th Kadayawan, mabilis na naibigan ng mga Dabawenyo ang kanilang adhikain partikular na ang lahat ng grupo ng mangingisda na mga nabuhayan ng pag-asa.
Kilala din ang grupo na tahimik na tumutulong sa ibat-ibang panig ng Cebu City maging sa Danao City.
Ilan pa sa mga tinutulongan ng grupo ang mangingisda sa Bagac, Bataan.
Dahil sa kanilang taos-puso at busilak na pagsuporta sa mga fisherfolks, nagpahayag ng pagpuri si dating Pangulong Duterte maging si Davao City Cong. Paolo “Pulong” Duterte na taon-taon ding nakasuporta sa kanyang mga kabahayan.(Jocelyn Domenden)