Advertisers

Advertisers

Olympian golfer Dottie Ardina dumulog kay Bong Go

0 5

Advertisers

Tapat sa kanyang adbokasiya na itaguyod ang kapakanan ng mga atletang Pilipino, malugod na tinanggap ni Senate committee on sports chairman Christopher “Bong” Go sa kanyang tanggapan si Filipino Olympic golfer Dottie Ardina noong Lunes, Agosto 19.

Hiniling ni Ardina na makausap ang senador upang talakayin ang mga isyu na nangyari noong 2024 Paris Olympics tungkol sa kakulangan ng pambansang uniporme ng Philippine golf team.

Sa isang video na ipinost niya, ipinakita ng golfer ang watawat ng Pilipinas sa kanyang kamiseta na nakadikit lamang sa pamamagitan ng double-sided tape.



“Malaking bagay po ang uniporme kasi nandoon po ang bandila ng Pilipinas. Ito po ang sumimbolo sa bansa at sumasalamin po sa sambayanang kanilang nirepresenta. Napakahalaga po sa ating mga atleta na may bandila sa kanilang uniporme,” idiniin ni Go.

Ayon kay Go, nagsisilbi ang Senate committee on sports bilang venue kung may hinaing, reklamo, at kung paano pa maisasaayos ang sistema at suporta sa ating mga atleta.

Nagpasalamat si Ardina kay Go matapos pagbigyan ang kanyang kahilingan para sa isang diyalogo.

Nagkasundo ang dalawa na sa sukdulang antas ng pagsasanay, ang mga elite athlete ay dapat bigyan ng lahat ng kinakailangang suporta na maaari nilang makuha.

“Ang gusto ko lang naman po talaga ay maayos ang pagpapatakbo para hindi na mauulit sa iba nating mga atleta. Sabi nga ni Senator Go, moving forward, improvement po ang kailangang mangyari,” sabi ni Ardina.



Samantala, inihain ni Go ang Senate Resolution No. 1160, na naglalayong magkaroon ng masusing post-evaluation sa paglahok ng Pilipinas sa Paris Olympics.

“Hindi po natin nais magsisihan. Ang gusto lang natin ay maibigay ang sapat na suporta sa ating mga magigiting na atleta na bitbit ang karangalan ng ating bansa. Once in a lifetime lang po ang mga oportunidad na ito na makasali sa Olympics o iba pang international competitions. Ibigay na po natin ang buong suporta na nararapat!,” paliwanag ni Go.

Sinabi ni Go na ang layunin ng pagdinig ng Senate sports committee ay punan ang mga kakulangan, mapanatili ang epektibong mga kasanayan, at mapahusay ang buong sektor ng palakasan sa Pilipinas.

Matatandaang naging instrumento si Go sa pagpapalabas ng P500,000 cash assistance na ibinigay ng Philippine Sports Commission sa bawat Olympian, isang buwan bago ang Paris Games. Ayon sa senador, ang pagbuhos ng suporta sa panahon ng paghahanda para sa anumang internasyonal na paligsahan ay kasinghalaga ng mga insentibo na ibinibigay sa ating mga pambansang atleta pagkatapos ng mga laro.

“Hindi biro ang makipag-compete sa international arena. Kung gusto nating maging sports powerhouse muli ang Pilipinas sa Asya, sagarin na natin ang ating suporta, hindi lang sa paggamit ng pondo kundi sa lahat ng klaseng suporta ay dapat ibigay na,” idiniin ng senador.

Idinagdag ni Go na siyang pinuno ng Senate sports committee simula noong 2019, nararanasan na ngayon ng bansa ang Golden Age of Sports nito na umani ng iba’t ibang parangal sa mga internasyonal na kompetisyon, kabilang ang tatlong gold medals sa nakalipas na dalawang Summer Olympic games lamang.

Sa pamamagitan nito, ang hamon ay upang mapanatili ang momentum at magbigay ng higit na suporta sa pagpapaunlad ng palakasan at kapakanan ng mga atleta.

Kasabay nito, kinilala ng Senado ang lahat ng Filipino Olympians sa pamamagitan ng iba’t ibang Senate Resolutions at nagbigay din ng cash incentives sa mga medalist. Nag-sponsor din si Go ng panukalang batas na naglalayong pataasin ang mga insentibo para sa mga para-atleta na kumakatawan sa bansa, tulad ng nalalapit na Paris Paralympic Games.