Advertisers
Nang ibunyag ni Senator Risa Hontiveros na nakalabas na sa bansa si dismissed Bamban Mayor Alice Guo, nagulanta ang pamahalaan partikular na ang Bureau of Immigration (BI).
Nandun iyong mga katanungan na paano nakalabas sa bansa si Guo? Sino ang mga tumulong sa kanya? Paano nakalusot ito sa mga paliparan kung walang kasabwat?
Nandyan din ang mga pagdududa na tiyak may kumita ng malaki para makalabas o makatas sa bansa si Guo.
Ang lahat ng pagdududa ay ipinuntirya sa BI. Kawawang BI, kung nakamamatay lang ang mga masasakit na salitang ipinupukol sa ahensya, malamang na wala nang naturang opisyal at kawani sa ahensya.
Nandyan din inyong isasalang daw sa katakotakot na imbestigasyon ang BI.
Kamakalawa, nabunutan ng tinik ang BI partikular na ang mga bossing matapos na ilahad ng naarestong si Sheila Guo, kasama ni Alice na tumakas sa bansa na hindi sila dumaan sa paliparan sa pagtakas.
Sa halip, inamin ni Sheila na sa “back door” silang dumaan – sumakay muna ng van, tapos sa maliit na bangka, tapos lipat na naman daw sa malaking bangka, hanggang sa makarating sila sa Malaysia.
Kaya, malaking porsiyento na absuwelto na ang BI o walang pananagutan.
Marahil abot-tenga na ang ngiti ng mga taga-BI ngayon.
Kung absuwelto ang BI, e sino ang mga dapat na managot sa pagtakas nina Alice, at sinasabing kapatid niyang si Sheila at isa pa.
Sinasabing sa dagat sila dumaan at bago naglayag, siyempre sa lupa muna sila. Paano ito nakalusot sa puwersa ng Philippine National Police (PNP) sa kabila ng iniyayabang ng pulisya na nakaalerto sila sa pagbabantay upang hindi makalabas ng bansa si Guo.
Nandyan ang mga inilatag na checkpoint sa mga posibleng daanan ng dating mayoral pero lumalabas na ang mga checkpoint ay pangpapogi lang.
Walang silbi ang mga checkpoint dahil nagawa itong lusutan ng tropa ni Alice. Hindi kaya may kumita sa dinaang checkpoint ng tropa ni Alice? Ops, nagtatanong ang tayo ha at hindi nag-aakusa.
Akala in mo, base sa salaysay ni Sheila, limang oras silang bumiyahe makaraang sunduin sila ng van sa farm sa Tarlac bago makarating sa isang pantalan.
Sa haba ng limang oras na biyahe, kung totoong nakaalerto ang PNP laban kay Alice, parang napakaimposibleng na walang dinaanang checkpoint ang van e samantalang kabi-kabilaan ang inilatag na checkpoint ang PNP.
Sa pagtakas, di ba batay din sa testimonya ni Sheila sa Senado ay dumaan sila sa karagatan hanggang umaabot sa isla ng Malaysia?
Nasaan din ang mga bantay dagat natin? Nasaan ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga oras na iyon habang tinatawid ng maliit – malaki na bangka ang karagatan ng Pilipinas papuntang Malaysia?
Akala ko ba’y nakaalerto ang lahat para hindi makatakas si dismissed Mayor Guo? Dapat talaga na may managot! Pero ang tanong, nagsasabi kaya ng katotohanan sa para an ng kanilang pagtakas si Sheila?