Advertisers
MATINDI ang ibinunyag ni Police Lieutenant Col. Jovie Espenido sa nakaraang pag-dinig ng Kamara hinggil sa ‘war on drugs’ ng nagdaang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinasabi nitong si Espenido, nagkaroon raw ng “quota” at “reward” system sa panahon ng kampanya kontra droga ng PNP na kilala bilang Oplan Double Barrel, na ipinatupad noong administrasyong Duterte.
Kaya naman, and ating Philippine National Police (PNP) Chief, Police Gen. Rommel Francisco Marbil, ay agad na inihayag ang agarang ipinag-utos na imbestigasyon at review hinggil sa isyu na ito.
Bumuo na rin agad si Marbil ng review panel, na pinamumunuan ng Office of the Deputy Chief PNP for Operations (ODCO), PNP Quad Staff, Internal Affairs Service (IAS), at Human Rights Office para magsagawa ng masusing pagsusuri at i-evaluate ang Oplan Double Barrel, kasama na ang mga pagsisiwalat ni Espenido.
Kasama sa mandato ng review panel ang isang detalyadong pagsisiyasat at pagsusuri sa lahat ng aspeto ng kampanya laban sa droga, partikular ang mga nauugnay sa karapatang pantao, operational protocols, at accountability mechanism.
Binigyang-diin ng PNP Chief ang kahalagahan ng pagsusuring ito sa pagtiyak na ang mga nakaraang operasyon ay sumusunod sa mga legal na pamantayan at ethical guidelines.
Para kasi kay Marbil, ang paglaban sa iligal na droga ay di naman kailangang makapatay, o magbigay ng quota o premyo sa mga pulis na makakapag-tumba ng tulak at gumagamit ng droga.
Rehabilitasyon ang solusyon ni Marbil sa pakikipag-laban sa iligal na droga, habang hinuhukay at hinahanap ang mga pinanggagalingan at nagpapakalat nito.
Isasama ko na rin dito ang tip para dito sa butihing hepe ng ating mga pulis.
Pabantayan mo sir ang ating mga pulitiko, lalo na iyang mga nasa liblib o malalayong probinsiya. Mageeleksiyon na, pihadong gagamit ng drug money ang nga iyan, lalo na ang mga nasa listahan ni PNP Drug Enforcement Group na pinamumunuan ni Brigadier General Eleazar Matta.
Planuhin niyo ng dalawa ang pinaka-mainam na diskarte para mahuli ang mga iyan.