Advertisers
Hiniling ni Senator Christopher “Bong” Go sa Philippine National Police (PNP) na magbigay ng malinaw na paliwanag hinggil sa “end game” ng patuloy stand-off sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City na nakapagdudulot na ng pagkaabala sa komunidad
Sa Senate subcommittee on justice and human rights hearing na pinangunahan ni Senator Ronald Dela Rosa sa PNP operation sa KOJC, sinabi ni Go na kinakailangan para sa dalawang panig na maglatag ng payapang resolusyon sa nasabing sitwasyon.
Iginiit niya na mahalagang magkaroon ng maayos na konklusyon sa higit 2 linggo stand-off para maibalik sa normal ang nasabing lugar.
Ang standoff na nagsimula sa paghahanap sa KOJC compound sa spiritual leader nito na si Pastor Apollo Quiboloy ay nagdulot ng traffic disruptions at iba pang concern sa kaayusan at kaligtasan ng mamamayan ng Davao City, ayon kay Go.
“Naalala ko talaga kahit noon pa, tahimik itong Davao. Magulo ito mga early 1980s, pero noong naging mayor na po si former President (Duterte), former mayor, tahimik na po ang buhay dito. This used to be known as the most livable city in the Philippines,”aniya pa.
“Tahimik po ang buhay dito, at hindi po magiging successful yan kung hindi po dahil sa ating mga kapulisan. Hindi magagawa ni Mayor Duterte yung trabaho niya kung hindi po dahil sa inyo,” idinagdag ni Go.
Ngayon, sinabi ng mambabatas na ang mga bisita at turista sa lungsod ay nakararamdam na ng pangamba at pagkatakot para sa kanilang seguridad.
“Marami po ang nagtatanong sa akin sa Maynila, ‘Kumusta na kayo sa Davao?’ ‘Safe bang pumunta ng Davao?’ Mga turista nagtatanong po sa akin, safe pa bang pumunta sa Davao. Nalulungkot po ako, bilang isang Dabawenyo,” ani Go.
Ito ani Go ay dahil sa “excessive use of force” ng PNP sa pagpapatupad nito ng arrest warrant laban kay Quiboloy.
“Mr. Chair, ang maayos na pagpapatupad sa batas ang nagsisilbing pundasyon ng ating tiwala sa gobyerno at nagpapatibay ng ating paniniwala sa isang patas at makatarungang sistema. However, Mr. Chair, when the enforcement of the law crosses the line into excessive force, when it is wielded not as a tool for justice but as a weapon of destruction, it is incumbent upon us to speak out,” anang senador.
Nauunawaan naman niya ang trabaho ng PNP na magsilbi ng arrest warrant ngunit hindi nito dapat maapektuhan ang kaligtasan ng sibilyan, at relihiyosong gawain ng mga kasapi ng KOJC.
“Ang maayos na pagpapatupad sa batas ang nagsisilbing pundasyon ng ating tiwala sa gobyerno at nagpapatibay ng ating paniniwala sa isang patas at makatarungang sistema,” sabi ni Go.