Advertisers
POSIBLENG maibalik na sa Pilipinas si dating Negros Oriental Representative Arnolfo Teves, Jr. matapos ang gaganapin na pagbisita ni Pope Francis sa Timor-Leste.
Ayon kay Justice spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, tiniyak mismo ni Timor-Leste President Jose Ramos-Horta na hindi magtatagal ay maipapatapon na pabalik ng Pilipinas si Teves.
Nakikipag-ugnayan na sa Timor-Leste ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba pang ahensya ng pamahalaan para sa extradition ni Teves.
Kung masusunod, aniya, ay maisasagawa ang extradition ni Teves matapos ang Papal visit na nakatakda mula September 9 to 11.
Una nang ibinasura ng pamahalaang Timor-Leste ang kahilingan ni Teves na manatili na lamang sa kanilang bansa.
Nitong Hunyo inaprubahan ng Court of Appeals ng Timor-Leste ang extradition request ng Pilipinas kay Teves.
Si Teves ay nahaharap sa kasong murder kaugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong 2023.
Nananatiling kustodiya ng Timor Leste Police si Teves matapos maaresto noong Marso batay sa ‘red notice’ na inilabas ng International Criminal Police Organization (Interpol).