Advertisers
Minarkahan na naman ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nasa pamumuno ni Jail Director Ruel Rivera ang talaan ng mga magaganda at matagumpay na programa ng ahensya para sa benepisyo ng persons deprived of liberty (PDLs).
Ito ay makaraang magbunga na naman ang programang pang-edukasyon para sa PDLs sa Zamboanga City Jail na pinamumunuan ni Jail Superintendent Xavier Solda bilang warden.
Tinutukoy natin na isa namang maikonsiderang milestone ng BJMP o ng ZCJ ay ang PDLs na nabigyan ng pribelahiyo na madagdagan ang kanilang kaalaman sa pamamagitan ng edukasyon na makatutulong sa kanilang pagreporma habang nasa loob ng piitan o rehabilitation center.
Sa programa batay sa ulat ni Solda kay Rivera, may 66 (kalalakihan) at 34 (kababaihan) PDLs ang nagtapos sa kanilang Madrasah Al-Irtiqa’e sa loob ng Zamboanga City Jail.
Katunayan, kamakailan lamang ay isinagawa ang graduation rites para sa graduates matapos na makompleto ang Tahderiyyah Program on Islamic education.
Ang kaganapan ay isa lamang sa mga patuloy na hakbangin ng BJMP upang pagandahin at madagdagan ang kaalaman ng PDL at ang kahalagaan ng edukasyon.
Guest of Honor at Speaker sa kaganapan ay si Secretary Sabuddin Abdurahim ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF)
Sa mensahe ng Kalihim, kanyang binigyang diin ang hakbangin ZCJ kaugnay sa pagbibigay halaga sa pagtataguyog ng kapayapaan sa pamamaraan o pamamagitan ng Islamic education base sa pananampalataya na makatutulong sa pagreporma ng PDLs.
“We are grateful to the leadership of Zamboanga City Jail for fostering personal growth and spiritual development in our Muslim brothers and sisters,” pahayag ni Abdurahim.
“The Commission is pleased to note the various programs and services of the jail unit to ensure the welfare of the PDL, promoting their rights as human beings, particularly their right to free exercise of religion,” dagdag ng Kalihim.
Pinasalamatan naman ni Rivera ang NCMF sa patuloy na pagsuporta sa mga programa ng BJMP.
Binigyan diin pa ni Rivera ang kahalagaan ng interagency collaborations para sa proseso ng reporma ng mga PDL.
“Together with our service providers and other partners, we remain focused on providing a holistic program for the PDL to guide them on their eventual reintegration into the community,” pahayag ng BJMP chief.
“The 34% increase in the number of graduates today demonstrates our strong commitment to engaging our PDL in more programs that are really impactful to them,” dagdag ni Rivera.
Matatandaan na nitong 2023, na ang Madrasah Al-Irtiqa’e ay sinimulan ni Zamboanga City Jail Male Dormitory Warden Jail Superintendent Xavier Solda upang ipalaala at ipadama sa PDLs ang karapatan sa edukasyon at religious freedom ng Muslim PDL sa tulong ng NCMF Region-IX sa ilalim ng pangungulo ni Dr. Zulfikar Abantas.
Sa datos ng Zamboanga City Jail’s Tahderiyyah Program umaabot na sa 172 PDL student ang nagtapos.