Advertisers
ISANG mahalagang hakbang ang ginawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pagpirma sa Republic Act No. 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Hindi lamang ito isang bagong batas na idinagdag sa ating legal na sistema, kundi isang konkretong tugon sa patuloy na paglaganap ng smuggling ng mga produktong agrikultural—isang problemang matagal nang nagpapahirap sa sektor ng agrikultura ng bansa.
Malinaw ang mensahe ni PBBM na hindi ito magiging isang batas na mananatili lamang sa papel.
Sa halip, titiyakin ng kanyang administrasyon na proactive ang pagpapatupad nito, simula sa mga pangunahing layunin na mapigilan ang pagpasok ng mga puslit na produkto at masigurong tama ang buwis na nababayaran.
Higit pa rito, ang mga lumalabag ay mahaharap sa mabigat na parusa, kasama na ang mga mastermind at kanilang mga kasabwat—mula sa mga financier, broker, empleyado, hanggang sa mga nagbibiyahe ng mga iligal na produkto.
Ang suporta ng sektor ng agrikultura sa bagong batas ay nagpapakita ng mataas na pag-asa na ito ay magiging mabisang sandata laban sa smuggling.
Tulad ng nabanggit ni Rep. Nick Briones ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist, ang pagbuo ng national council at enforcement group na tututok sa pagwasak ng mga operasyon ng smuggling ay isang malaking hakbang tungo sa pagpapalakas ng sektor.
Siyempre, ang pagkakaroon din ng special team of prosecutors ay nagbibigay ng katiyakan sa mabilis na pagresolba ng mga kaso, na makatutulong upang hindi lumala ang problema.
Subalit, sa kabila ng mga positibong hakbang, hindi rin maikakaila ang ilang mga butas daw sa batas, tulad ng P10 million threshold.
Dito, maaaring magkaroon ng pag-aalinlangan ang ilan dahil hindi ituturing na economic sabotage ang smuggling ng mga produkto na mas mababa ang halaga sa nasabing threshold.
Mayroon din mga pangamba sa pagiging independent ng enforcement group, lalo na’t kasali rito ang mga ahensyang maaaring maimpluwensiyahan, tulad ng Department of Finance (DOF).
Gayunman, sa kabila ng sinasabing mga agam-agam, kumpiyansa pa rin si Briones na maipapatupad nang maayos ang batas dahil sa mismong pamumuno ni Pangulong Marcos sa council.
Ipinakikita na ng Pangulo ang kanyang seryosong kampanya laban sa smuggling, at kung ipagpapatuloy ang ganitong klaseng determinasyon, may pagkakataong maging matagumpay ang batas na ito at magdala ng malaking pagbabago para sa sektor ng agrikultura.
Ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act ay hindi lamang isang batas para sa mga nasa industriya ng agrikultura, kundi para sa bawat Pilipinong umaasa sa kaligtasan at kasiguruhan ng kanilang pagkain.
Kailangang bigyang halaga ang mga ganitong hakbang upang tuluyang maayos ang sektor ng agrikultura at makamit ang isang mas maunlad at mas matatag na ekonomiya para sa lahat.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.