Advertisers

Advertisers

‘HALIK NG KAMATAYAN’

0 32

Advertisers

NANGAKO si Sara Duterte na ikakampanya niya ang mga napupusuang kandidato sa 2025 midterm elections. Ngunit kinakabahan kung sino ang mga kandidatong susuportahan ni Inday Lustay. Tipong halik ni kamatayan ang suporta niya sa mga kandidatong iyon. Hindi sila mananalo at makakasira ang suporta niya sa mga kandidatong iyon.

Tatlo ang susuportahan ni Sara na kandidato sa senador – Imee Marcos, Bato dela Rosa, at Francis Tolentino. Magkaibigan si Sara at Imee na tumiwalag na sa tiket ng administrasyon. Batayan ito ni Imee kaya malakas ang loob na maglayag mag-isa.

Dikit kay Gongdi si Francis at Bato. Kahit tumiwalag sa PDP-Laban si Francis at sumama sa administrasyon, hindi ito nangangahulugan na tapos na ang relasyon kay Gongdi. Lumalabas na espiya ni Gongdi sa administrasyon ni BBM si Francis.



Hindi namin nakikitang mananalo si Francis at Bato. Mahina ang kanilang kandidatura. Balimbing si Francis. Gagawin ang lahat upang manalo kahit talikuran ang prinsipyo. Madugo ang record ni Bato. Kilala siyang mamamatay tao. Bukod diyan, kilala siya sa katangahan.

Nanganganib si Bato na dakpin siya ng International Criminal Court (ICC) dahil nahaharap siya sa sakdal na crimes against humanity dahil siya ang nagpatupad ng war on drugs ni Gongdi. Hindi namin alam kung ano ang tsansa ni Imee at hindi kami positibo sa suporta sa kanya ni Sara. Nakabitin silang tatlo.

Pinilay ng naghaharing koalisyon si Sara. Inalis ang kanyang confidential fund na umaabot sa ilang bilyong piso. Ibinisto ang kawalanghiayaan sa paghawak ng salapi ng bayan. May banta sa kanya na iharap ang impeachment complaint dahil sa paglabag umano sa Saligang Batas. Walang kamandag si Sara. Iyong suporta niya ay hanggang salita na lang.
***
MALAKI ang pag-asa ng natitirang dalawang lider oposisyon, Kiko Pangilinan at Bam Aquino, upang bumalik sa Senado. Labanan ng dalawang malaking pamilya ang Senado – BBM at Duterte. Hindi lahat ng kandidato ni BBM ay malakas upang gumawa ng 12-0 sa 2025.

Hindi makabuo ang mga Duterte ng isang buong tiket. Tanging si Bato, Bong Go, at aktor na si Philip Salvador ang papalaot para sa PDP-Laban ni Gongdi. Pababa na ang popularidad ng mga Duterte at ito ang basehan kung bakit may malaking pag-asa si Bam at Kiko.

Bukod diyan, suportado si Bam at Kiko ni Sen. Risa Hontiveros ng Akbayan Party, isa sa mga lapian ng demokratikong oposisyon. Popular si Risa at itinuturing na siya ngayon ang lider ng demokratikong oposisyon. Si Risa ang nangunguna sa Senado upang isiwalat ang kalokohan ng mga kompanyang POGO sa bansa.



Hindi rin maisasantabi ang Makabayan Bloc. Pinangungunahan ni Kin. France Castro ng ACT-Teachers Party List ang 11-katao tiket ng Makabayan Bloc na lalaban na maging senador. Kasama ni Castro sa Makabayan Bloc tiket sina Kin. Arlene Brosas ng Gabriela Party List at dating mambabatas Teddy Casino.

Si Castro ang nagbulgar na lumustay si Sara ng P125 milyon sa loob ng 11 araw noong 2022. Ito ang dahilan kung bakit sumikat ang Makabayan at magkaroon ng tsansa 2025. Bukod diyan, inaasahan ng Makabayan ang matinding balikwas ng mga mamamayan upang kontrahin ang mga malalaking pamilyang pulitikal.

Nawalan ng asim ang mga malalaking pamilya tulad ng mga Villar, Binay, Cayetano, at kahit ang mga Tulfo na may dalawang kandidato upang maging senador. Galit at pagkasuklam ang nararamdaman ng maraming botante kontra sa mga dinastiyang pulitikal.

Maliban kay Castro, Brosas at Casino, kandidato rin ng Makabayan Bloc sina Mody Floranda of PISTON transport group, Mimi Domingo of Kadamay, at Jocelyn Andamo from Filipino Nurses United, Jerome Adonis ng Kilusang Mayo, dating National Anti-Poverty Commission chair Liza Maza, Ronnel Arambulo ng Pamalakaya, Danilo Ramos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), at Amirah Lidasan na kinakatawan ng mga liping katutubo.
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “I am explicitly campaigning against Pia Cayetano, Camille Villar, and Erwin Tulfo. Allan Peter Cayetano, Mark Villar, and Raffy Tulfo are still in the Senate. Hindi family affair ang Senado. Ipakita natin sa kanila na hindi okay sa taumbayan ito. No to family dynasties!” – Dino Singson de Leon, netizen, kritiko

“Hindi ba nakahihiya? – 2 Cayetano, 3 Tulfo, 2 Estrada, 3 Villar, Marcos, Duterte, Binay, Sotto, Lacson, Pacquio. Para naman wala nang iba sa Pilipinas. Ang daming magagaling, bakit hindi sila?” – Ellen Sicat, netizen, kritiko
***
Email:bootsfra@yahoo.com