Advertisers
Napatunayang guilty ng Office of the Ombudsman si suspended Cebu City Mayor Michael Rama sa kasong nepotism at grave misconduct dahil sa pagtatalaga sa kanyang dalawang bayaw na magtrabaho sa City Hall.
Ayon sa desisyon ng Ombudsman, mapapatawan si Rama ng penalty ng dismissal sa serbisyo, na kinabibilangan ng pagkansela ng kanyang eligibility, forfeiture of retirement benefits maliban sa mga naipon na leave credits, at perpetual disqualification para sa reemployment sa serbisyo ng gobyerno.
Sinabi rin ng Ombudsman na kung sakaling hindi na maipapatupad ang parusa ng dismissal dahil sa paghihiwalay ng respondent sa serbisyo, “the same shall be converted into a fine equivalent to respondent’s salary for one year, payable to the Office of the Ombudsman, and may be deductible from respondent’s accrued leave credits or any receivables from his office.”
Matatandaan na isang concerned citizen na si Jonel Saceda, na may pangalang “Inday Josa Chiongbian Osmeña” sa Facebook, ang nagsampa ng reklamo laban kay Rama para sa umano’y nepotism, grave misconduct, at graft and corruption sa Office of the Ombudsman sa Quezon City noong Enero 24, 2023.
Ayon sa inihaing reklamo, itinalaga ni Rama ang mga kapatid ng kanyang asawa na sina Elmer at Gomer Mandanat.
Sina Elmer at Gomer ay kapatid ng pangalawang asawa ni Rama na si Marilou Gimenez Mandanat-Rama.
Batay sa talaan ng Human Resource Department Office ng Lungsod, si Elmer ay itinalaga bilang process server sa ilalim ng Office of the Mayor, habang si Gomer ay itinalaga bilang administrative aide sa ilalim ng Cebu City Medical Center. Parehong nagtrabaho ang mga ito mula Enero 1 hanggang Hunyo 30, 2022.
Ni-renew ang mga kontrata nina Elmer at Gomer noong Hulyo 1 hanggang Disyembre 30, 2022 nang umupo si Rama bilang alkalde pagkatapos ng halalan noong Mayo 2022.