Advertisers
BUNGA ng pinaigting na kampanya ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Colonel Melecio Buslig, laban sa kriminalidad, dalawang kilabot na tumatangay ng mga motorsiklo sa lungsod ang nadakip sa operasyon sa Baarangay San Agustin ng lungsod nitong Oktubre 7, 2024.
Sa ulat kay Buslig ni Major Hector Ortencio, hepe ng District Anti-Carnapping Unit (DACU), ang nadakip ay nakilalang sina Jayson Fernandez, 36 anyos; at Dioniel Roque, 30, kapwa ng Barangay San Agustin, Quezon City.
Sa imbestigasyon, ipinaalam ni Walfred Dela Cruz sa DACU na tinangay ang kanyang motorsiklo na kulay itim na Honda Click Oktubre 2, 2024 dakong 1:00 ng hapon, na kanyang iginarahe sa basketball court sa Brgy San Agustin.
Sa follow-up operation ng DACU base sa kuha ng CCTV at sa tulong ng salaysay ng mga saksi, nakilala ang mga magnanakaw, dahilan para madakip nitong Oktubre 4, 2024 at marekober sa kanila ang motorsiklo.
Matatandaan, nitong nakaraang linggo ay tatlong carnapper ang nadakip din ng DACU sa pagtangay sa isang motorsiklo na Honda. Narekober din ang sasakyan sa mga magnanakaw. (Almar Danguilan, Ernie Dela Cruz)