Advertisers

Advertisers

SOUTH KOREAN PRESIDENT DUMATING SA BANSA

0 8

Advertisers

DUMATING sa bansa si South Korean President Yoon Suk Yeol para sa kanyang dalawang araw na state visit na may layuning palakasin ang ugnayang pang-ekonomiya at pang-seguridad ng Pilipinas at SoKor.

Ang state visit ng Korean leader mula Oktubre 6 hanggang 7 ngayong taon ay ang kauna-unahan nitong pagbisita sa bansa sa loob ng 13 taon at ang unang destinasyon sa kanyang ‘three-country trip’ sa Timog-Silangang Asya.

Natapat ang pagbisita sa Maynila sa ika-75 taon ng ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at South Korea na pormal na naitatag noong March 3, 1949.



Mula sa Ninoy Aquino International Airport, nagtungo sina Yoon at First Lady Kim Keon Hee sa Libingan ng mga Bayani upang magbigay pugay sa 112 sundalong Pilipino na lumaban at nasawi noong Korean War.

Mainit namang sinalubong nina PBBM at First Lady Liza Marcos sina Yoon at First Lady Kim Keon Hee sa Malacañang.

Sa ginanap na bilateral meeting nina PBBM at Yoon, tinalakay ang mga usaping may kaugnayan sa economic, defense at maritime cooperation.

Nag-host naman si Pangulong Marcos ng isang state luncheon bilang paggalang kay Yoon.

Pagkatapos ng pagpupulong, dumalo sina PBBM at Yoon sa Korea-Philippines Business Forum upang itaguyod ang partisipasyon ng mga Korean companies sa mga pangunahing proyektong imprastruktura at transportasyon at tuklasin ang mga bagong oportunidad sa negosyo.



Maaalalang umabot sa $13.65 bilyon ang bilateral trade sa pagitan ng dalawang bansa noong 2022 kung saan ang South Korea ang ika-limang pinakamalaking exporter ng Pilipinas.

Sinasabing kasama sa delegasyon ni Yoon ang mga pinuno ng malalaking kumpanya sa Korea, kabilang na ang Samsung at HD Hyundai.

Pagkatapos ng pagbisita sa Pilipinas, lilipad si Yoon patungong Singapore para makipagpulong kay Prime Minister Lawrence Wong upang pag-usapan ang ugnayang pang-ekonomiya.

Mula rito, tutulak si Yoon patungong Laos upang dumalo sa ASEAN Summit na dadaluhan din ni Pangulong Marcos kung saan inaasahang bibigyang-diin ng South Korean leader ang kahalagahan ng denuclearization ng North Korea. (Gilbert Perdez)