Advertisers

Advertisers

ANO BA TALAGA GONGDI?

0 45

Advertisers

MAY katwiran na paniwalaan na nababaliw na si Gongdi. Noong linggo, nag-file siya ng CoC upang tumakbo bilang alkalde ng Davao City. Dito siya nagsimula kaya gusto niya itong balikan. Nag-file rin ang anak na si Baste bilang bise alkalde at katiket ni Gongdi.
Noong Lunes, nagbitiw bilang chair ng Civil Service Commission si Karlo Nograles. Umaga ng kinabukasan, nag-file ng CoC si Nograles upang harapin si Gongdi sa paligsahan bilang alkalde ng Davao City. Hindi nagtagal, pinalitan ni Gongdi ang rehistro ng kanyang lalahukan. Hindi na siya haharap kay Nograles at nagpasya na tumakbo bilang senador.
Hindi namin alam kung ano ang talangkang pumasok sa isip ni Gongdi. Kumbinsido kami na nag-uulyanin na ang matandang kriminal. Mukhang natakot kay Nograles dahil batid niya na bata si Nograles at mahusay ang record bilang lingkod bayan.
Hindi pa tapos ang kuwento. Noong Miyerkoles, ikinalat ng mga alalay sa pangunguna ng isang hindi namin pinagtitiwalaan dahil walang kredibilidad na si Sal Panelo na tutuloy si Gongdi bilang alkalde. Si Baste ang tatakbong senador at hindi si Gongdi. Ano ba talaga?
Hindi bago ang ganitong istilo. Mahilig manggulat si Gongdi. Ngunit bistado na istilo kaya hindi na ito pinapansin. Hindi masyadong pinulot ng media ang pagbabagong isip ni Gongdi. Hindi rin pinagtiwalaan si Panelo dahil wala siyang kredibilidad.
Sa unang distrito, iniwan ni Kin. Migs Nograles ang Pwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Party List upang tumakbo at harapin si Polong sa unang distrito ng Davao City. Tatakbo sa ikalawang distrito ang apo na si Omar, anak ni Polong, ngunit hindi pa alam kung sino sa mga Nograles ang haharap sa kanya.
May tulog ang mga Duterte sa Davao City. Pinagsawaan na sila dahil hindi maayos ang serbisyo publiko sa siyudad. Malaking budget ng Davao City ang pinaghinalaang ninakaw umano ng mga Duterte sa nakalipas na mahigit 30 taon na sila ang nasa poder. Walang ospital at unibersidad na maipagkakapuri ang Davao City. Nanatili itong huli.
Ani, Karlo na sasagupa kay Gongdi o Baste: “Together, we can make life better for each Davaoeño family. Better access to basic commodities. Better healthcare. Better job opportunities. Better education. Better delivery of government services, and assistance that the people deserve and must demand from their public servants.”
Kung tumuloy si Gongdi sa Senado, hindi siya nakakasiguro kahit isa siya sa mga nangunguna sa survey. Hindi ito nangangahulugan na mananalo siya. Matindi ang damdamin ng sambayanan laban sa dinastiyang pulitikal at oportunistang pulitiko, o trapo. Nakikita namin ang pagbalikwas ng sambayan upang tuldukan ang pamamayagpag ng mga pamilya at trapo.
Nabalitaan namin na tanging si Bong Go ang may gusto na tumakbo sa Senado dahil kailangan niya si Gongdi upang lumakas ang kanyang tsansa. Walang malinaw na makinarya si Gongdi upang magtagumpay sa 2025. Hindi batid ng kanyang kapanalig kung maglalabas ng pera si Gongdi.
Inaasahan na ang maglalabas ay si Bong Go na gustong-gusto na makabalik sa Senado. May problema sa kalusugan si Gongdi at hindi malaman kung kakayanin niya ang kampanya sa tag-init. Mahina na si Gongdi at nakikita ito sa mga video at larawan.
Inaasahan na tanging si Sara na lang ang matitirang Duterte sa 2025. Hindi siya nakakasiguro dahil may inuumang na impeachment complaint laban sa kanya. Maaaring isampa ito sa Nobyembre o kahit sa pagtatapos ng halalan sa 2025. Makakaasa ang sambayanan na uubusin ang mga Duterte upang hindi sila makapaghasik ng lagim sa halalan sa 2028.
***
UMATAKE ang mga eroplanong Israeli sa Syria upang wasakin ang mga pinagkukutaan ng mga puwersang Hezbollah doon. Napanood namin ang pag-atake ng mga sundalong Israeli sa timog Lebanon upang patayin ang liderato ng Hezbollah na nagtatago doon. Inihayag ni Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu ang paglipol sa anim na lider ng Hezbollah kasama ang pumalit umano sa lider na nagtago sa Lebanon.
Malaking tagumpay ang operasyon ng Israeli Defense Forces (IDF) dahil mahigit 50 kasapi ng Hezbollah ang nasawi at kasama sa kanila ang mga pangunahing lider. Plano ng Israel na ganap na pilayin ang Hezbollah. Ito ang kanilang hangarin sa kanilang paglusob sa Lebanon at Syria. May balita na humihingi ang Hezbolah ng ceasefire, o tigil putukan. Wala pang pahayag si Netanyahu tungkol dito.
***
IPINARARATING namin ang aming taos-pusong pagbati kay Muntinlupa Judge Gener Gito na hinirang ni BBM upang maging isa sa mga mahistrado ng Sandiganbayan. Si Gito ang nagbigay ng piyansa para sa pansamantalang ikakalaya ni Leila de Lima sa kanyang ikatlo at huling asunto sa hukuman. Hindi siya nagpasindak sa impluwensya ni Gongdi.
Si Gito rin ang nagpawalang sala kay de Lima. Hindi namin alam kung ano ang kapalaran inabot ni Judge Romeo Buenaventura na tumangging nagbigay ng piyansa kay de Lima. Mukhang ikinahon na si Buenaventura. Maiging magretiro na lang siya.
***
MAY mga ilalatag na mga asunto laban kay Herminio “Harry” Roque Jr, ito ang pahayag ni Dr. Winston Casio, tagapagsalita ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC). Hindi nagbigay ng detalye si Casio ngunit kasama sa mga hablang isasampa ang papel ni Roque bilang abogado ng mga kompanyang POGO. Naunang ipinagkaila niya na hindi siya ang abogado ng mga POGO, ngunit hindi ito pinaniwalaan ng PAOCC.
Kinumpira ng PNP na patuloy na nagtatago si Roque. Ayon kay P/Big. Gen. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP, kagyat na nawawala si Roque  sa sandaling may operasyon upang dakpin niya. Ipinahiwatig ni Fajardo na mukhang may nagbibigay ng tip mula sa PNP kay Roque. Hindi rin nananatiling matagal sa iisang lugar si Roque.
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “Ang tumakbo sa halalan at maglingkod ay lehitimong hangarin ng bawat mamamayan. Pero kailangan may kaalaman, pag-aaral, at paghahanda sa posisyong inaambisyon. Hindi puede ang walang alam at walang paghahanda. Hindi puede na tanging salapi at impluwensiya ng pamilya ang puhunan. Huwag biruin ang mga mamamayan. Ibasura ang mga kandidato ng mga malalaking pamilya (political dynasty) at oportunistang trapo. Huwag ihalal ang mga walang alam at paghahanda. Iwasan natin ang muling magsisi at lumuha dahil naihalal natin ang kandidatong hindi karapat-dapat.” – PL, netizen,
***
Email:bootsfra@gmail.com