Advertisers
Tapos na ang pagpapatala sa magaganap na halalan sa ’25 at namataan ang mga kalaban ng kabutihan tulad ng mangmang, magnanakaw, ambisyoso, ganid, sakim. At napansin ang ilang ibig kunong magserbisyo ng magpatuloy ng maalwang buhay dulot ng mga bobotante sa nakaraan. Sa talaan, marami ang mga dati o recycled na politiko na ibig bumalik o makabalik para sa hayahay na buhay. Maging ang mga dating alalay na naka-ipon at ibig isugal ang konting salapi ng tuwirang malasap ang maalwang buhay. Sa halalan sa ’25, hindi usapin ang kaalaman, ang mahalaga’y may perang pantustos at kabit sa among labis – labis ang nakulimbat sa nakaraan. At ‘di pag-eendorso ang gagawin sa halip mangangako kay Mang Juan na magsisilbi ng tapat. Ang sarap pakinggan, na ninyo.
Sa mga nagpatala, maaninag ang magaganap na kampanya at malinaw na watak-watak ang Pinoy higit ang mga ibig mamuno sa bayang sawi. Nariyan ang iba’t – ibang grupo o partido na patunay na malaki ang halagang nakataya sa bayan. Marami ang iniwan ang kinaanibang partido politikal at sumama sa grupo na batid ang kalamangan sa gamit na salapi. At nariyan ang grupo ng dating lider na batid ang kamangmangan ngunit malaki ang ulo dahil kinatatakutan sa larangan ng patayan. At, hindi maisasantabi sa dami ng salaping kinurakot sa kabang bayan sa nakaraan na ngayo’y bayarin ni Mang Juan at nang bayan.
Habang sa kabilang dako, ang grupo ng mga makabayang kandidato na umaasa sa simpatya ng bayan at sa usaping bumabalot sa bansa na ‘di matugunan ng kasalukuyang pamahalaan. Sa pagkakahati – hati ng ibig magsilbi sa bayan, umasa ang tao sa laylayan na ‘di magbabago ang kalagayan ng buhay higit sa uri ng mga kandidato na maaaring mananalo sa halalan. Sana makarami ang tunay na kinatawan ng bayan.
Nakatuon sa kasalukuyan ang maraming ambisyoso at hindi sa pangmatagalang pakinabang na humahati sa tao sa laylayan higit sa mga nagdarahop na alang maisubo. Ang maibigay ang panandaliang pangangailangan sa kasalukuyan ang inaasahan sa pangarap sa kinabukasan at bahala na ang buhay ni Mang Juan sa kinabukasan. Sa Pinoy na manghahalal na malawak ang pananaw, hindi matatawaran ng pagtitipong may-abutan ang tindig na para sa bayan. Ito ang mga manghahalal na ‘di nabibili ngunit ‘di maipanalo ang mga kandidato sa ngalan ng bilang.
Sa totoo lang, mailap ang mga botanteng bangit sa mga politikong bantog sa kasibaan sa pera ng bayan. Ang mainam sa kanila kung dumalo sa mga pagtitipon ng politikong ewan, naisasalang nito sa alanganin ang politiko higit sa usapin ng kaperahan. Dahil totoo ang bangit ang tandaan ang mukha’t ngalan ng ‘di makaulit sa susunod na pagtitipon. At ang pinaka malupit, tiyak na ‘di makakatikim ng biyayang abot ng politikong ganid na lumabas ang kamangmangan sa tanungan.
Malayo pa ang bakbakan sa halalan ngunit ito ang kahinaan ng COMELEC sa kawalan ng alituntunin sa maagang girian ng kampanya. Sa mga nakaupo at muling nagpapahalal ang patuloy kunong pag-abot ng serbisyong bayan ang bentaheng ‘di magawa ng katungali. Hindi maitatwa na kalamangan ng mga nakaupo sa pwesto ang serbisyong kuno, gamit ang pera ng bayan para sa sariling pakinabang. At ito ang ‘di magawa ng mga kandidatong bago na umaasa sa mulat na botante.
Ang masaklap kulang na sa panahon kulang pa sa pondo upang magpapakilala at magpahayag ng plata pormang pambayan. Anong galaw ang angkop sa aga at haba ng panahon bago ang aktuwal na pangangampanya? Sumagot COMELEC. Samantala, malayo ang tinatakbo ng katunggali muling nagpapahalal sa dami ng ninakaw este ng tulong kuno na dahilan ng utang na loob na aanihin sa araw ng halalan.
Sa totoo lang, sa uri ng mga kumakandidato sa halalan huwag umaasa na magbabago ang takbo ng kabuhayan ng tao sa laylayan. Sa mga tumatakbo ang dalawang grupo ang may kakayanang maglunsad ng pambansang kampanya subalit hindi napipisil na bibitbitin ang interes ni Mang Juan. Sa halip, ang makamit sa mga bago at sa recycled ang mapanatili ang maalwang buhay na minsang ipinagkaloob ng bayan. Sa mga kandidatong nagsasabi ng pagbabago asahan na uunlad ang sarili at buhay ng pamilya ngunit hindi ang kabuhayan ng mamamayan .
Walang nagtutulak ng batas na magpataas ng sahod ng mga obrero, walang nagtutulak ng pagbaba sa presyo ng bilihin at walang nagtutulak sa buhay na may dignidad ng karaniwan Pinoy. Sa totoo lang, magtatatlong taon na’y di pa rin abot ni Aling Marya ang presyo ng maraming bilihin. At umasa na dagdagan ang singil sa buwis, kuryente, tubig at iba pang bayarin. Ngunit hindi ang pang-uwi sa bahay ni Mang Juan.
Sa pagtatasa sa mga nag-aambisyon, umasa na walang magagawa dahil sa nakitang halimbawa na ang serbisyong bayan ay ang nginasab sa pagdinig sa senado. Anong batas ang magagawa kung sa talastasan ng pagdinig hindi makitaan ng gilas kahit sa pagtatanong. Masakit sabihin ngunit sadyang ‘di batid ng ilan sa senado ang gawain, ang paghahain ng batas na may pakinabang ang bayan at hindi ang ngumata at magsuklay ng bigote. At heto, ibig dumami ang bilang ng mangmang na pasasahurin at tinutustusan ng pera ng bayan. May hiya ba kayo?
Sa ilang ambisyoso, nariyan na gumagawa na ng serbisyong bayan, kailangan pa bang pumasok sa pulitika o senado? Hindi ba sapat ang pag-aabot ng serbisyo at kailangan pang maging mambabatas. Sa senado, ang bumuo ng batas na may tuwirang pakinabang ang tao o ang Pinoy ang haharapin, tanong may kakayahan ba ang sa bangit na gawain. Sa uri ng kalidad ng tatakbo sa senado sa halalang darating hindi makita na may mabubuong batas higit ang may pakinabang si Mang Juan. Ang gawang ngumasab habang may pagdinig ang malamang na ikikilos at ‘di ang makipagtalastasan dahil sadyang marupok ang utak. Nariyan ang kandidatong umaasang mananalo na minsang nagsabi na ‘di kakayanin ang trabaho bilang mambabatas. Sa nakitang gawi ng dabarkad na senador, na enganyo, hayun tatakbo, bigyan ng jacket yan.
Tunay nakakaakit ang serbisyong bayan, ngunit kailangang pag-isipan ng sumapat ang layunin sa kakayanan. Hindi masama ang maglingkod kay Mang Juan subalit nilalapatan ng kakayahan ang pagnanais sa tungkulin at ang paggawa ng batas ang tungkulin nang kinatawang bayan. Sa ilang panahon ng pagtanaw sa galaw ng lehislatura, nariyan ang talastasan ng mga mambabatas hinggil sa panukalang batas na inihahain. Ito’y tinatalakay at ipinagtatangol ng kung sino ang may akda sa kasamang kinatawan ng buong giting. Halimbawa, sa pag-aamyenda ng saligang batas kaya ba ng puno ng Komite sa mataas na kapulungan na tumayo at ilaban ang amyendang ibig kung tatanungin ng ibang mambabatas. Tanong lang po.
Sa pagbabalik ng mga recycled at kapwa mangmang na bagong mga senador asahan na retorika ang pagbabago. Sa totoo lang, ang pagbabagong ‘di nagbabago ang kalalabasan ng halalan sa ’25. Sa dami ng pamilyang ayaw bumitaw sa kinagisnang maalwan na buhay ang pagbabagong ‘di nagbabago ang aasahan ng bayan higit ng Pinoy na nasa laylayan ng lipunan.
Maraming Salamat po!!!!