Advertisers

Advertisers

House Quad Comm, imbestigahan po nyo ang Illegal POGO operations sa Vista Mall

0 112

Advertisers

WHAT, may illegal POGO ( Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) operasyon sa Las Pinas City — na teritoryo ng multi-bilyonaryong pamilya Aguilar-Villar?

At noon palang Agosto 8, 2019 –limang taon na ang nakalilipas — may krimen na nangyari kaugnay sa illegal POGO operation na nangyari sa loob ng Vista Mall na pag-aari lang naman ng pamilya ni Sen. Cynthia Villar at anak nitong si Sen. Mark at Camille Villar.

Itong Vista Mall ay ino-operate at pag-aari ng Villar Group of Companies ng mister ng senadora, ang multi-bilyonaryo, dating House Speaker at dati ring Senare Pres. Manny Villar.



Itong illegal POGO operations sa Barangay Pamplona 2, Las Pinas at ino-operate ng puganteng Chinese businessman Michael Yang nang mangyari ang mahiwagang pagkahulog ng 27-year-old Chinese information tech worker na si Yang Kang mula sa 6th floor ng Vista Mall noon ngang Agosto 8, 2019.

Nakaposas ang mga kamay ni Kang nang makita ng isang security guard ang duguang katawan nito na agad isinugod sa Asian Hospital sa Alabang pero namatay rin, matapos ang apat na oras.

Ayon sa isang Aquan, 30-anyos na Chinese national, team leader ng POGO sa Vista Mall, nakita niya si Kang sa loob ng opisina ng kanilang manager, si Li Yunxiang aka Mr. Shiba, 30, ng Fujan, China, na nagbigay ng resignation letter, pero hindi agad na tinanggap, kasi may utang na kailangang bayaran si Kang.

Sabi pa ni Aquan sa Las Pinas police, nakita niya si Kang sa opisina ni Mr. Shiba na hinihintay ang mga kamag-anak na magdadala ng pera na ibibigayo sa kanilang management officer.

Ang insidenteng ito ay ipinanawagan ni Las Piñas Councilor Mark Anthony Santos na marapat na imbestigahan ng Quad Committee ng House, kasi nga, hanggang ngayon, malabo, walang linaw ang pagkamatay ni Kang — na ito ay kaugnay ng illegal POGO operations na noong 3rd SONA ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay iniutos na isara na ang lahat ng POGO, legal man o illegal ang operasyon.



Sa CCTV footages, nakita na si Kang na nakaposas, nagawang alisin ang bakal na harang sa binata ng opisina ni Shiba, saka tumalon sa pagnanais makatakas.

Sinabi ni Aquan, sa pamamagitan ng isang interpreter na siya ay tatlo o apat na metro lamang ang layo kay Shiba nang umalis ito sa mall building bandang alas-12 ng hatinggabi ng Agosto 9, ilang oras matapos mahulog sa gusali si Kang.

Sa imbestigasyon, prime suspect si Shiba na ilegal na ikinulong ang nakaposas na si Kang sa isang kwarto ng Vista Mall.

Matapos ang insidente, nagtago na sa batas si Shiba.

Noong September 2019, dinesisyonan ng Las Pinas City prosecutor’s office na maysala si Shiba sa krimeng serious illegal detention and kidnapping na walang piyansa.

Sa sariling imbestigasyon ni Konsehal Santos, nalaman niya na isa pala sa trabaho ni Kang ay maningil ng utang ng mga Chinese nationals na tauhan ng illegal online gaming operations sa Vista Mall.

Sabi ni Santos, mayorya ng konsehal ay inokeyan ang pagbibigay ng occupational and business permits to operate an on-line gaming hub sa loob ng Vista Mall, pero nang magtagal, natuklasan na ilegal ang operasyon ng POGO ni Michael Yang na nagrerekrut na pala ng daan-daang Chinese na sangkot sa prostitution, human trafficking, kidnapping, brutal torture, maging pagpatay.

Nais ni Konsehal Santos, sana ay imbitahan ng House Quad Committee na pinamumunuan ni chairperson Rep. Robert Ace Barbers ang matataas na opisyal ng Las Pinas PNP para malaman kung bakit hindi inaresto kaya nakatakas si Shiba na nagtatago sa batas, matapos ang limang taon na pagkamatay ni Kang.

Patay na ba, o buhay pa si Shiba, tanong ni Konsehal Santos, pero ayon sa mga impormasyon sa kanya, si Shiba ay buhay pa, malayang namumuhay sa isang bayan sa Cebu province.

Naniniwala si Santos, may itinatagong impormasyon ang mga opisyal ng Vista Mall o may mga empleyado ang mall na may nalalaman sa pagkamatay ni Kang.

At ito ang ipinagtataka ni Konsehal Santos, bakit matapos ang limang taon, ni isang opisyal ng Vista Mall ay walang ibinigay na pahayag sa insidente — may itinatago ba sila sa pulisya o kaya may mga tao na pinagtatakpan na ayaw masabit sa ilegal na operasyon ng POGO sa Las Piñas City.

“It’s unfair and discriminating to the family and relatives of the victim from China,” sabi ni Konsehal Santos.

Eto pa, dapat ding ipatawag ng Quad Comm ang mga opisyal ng Labor Department dahil hanggang ngayon, tikom ang mga bibig tungkol sa maraming paglabag sa labor laws sa maraming negosyo ni Yang — lalo na ang illegal POGO operations sa bansa.

At maitatanong, bakit sobrang tahimik si Sen. Cynthia Villar, anak na si Sen. Mark Villar at Las Piñas City Rep. Camille Villar sa nangyaring insidente sa kanilang Vista Mall limang taon na ang nakararaan.

Bakit ni kapirasong statement mula sa pamilya Villar, wala yatang lumabas, at bakit sa House hearing at maging sa Senate hearing, tikom din ang bibig ng mag-iinang senadora at mga anak?

Quad Comm chair Rep. Ace Barbers, aba, ipatawag na ang mga opisyal ng Vista Mall, ang Las PIñas PNP at tiyak pag nagsalita sila, baka malaman natin ang katotohanan at mabigyan ng hustisya ang biktimang si Kang at ang kanyang pamilya sa China.

Hindi porke ang may-ari ng Vista Mall ay ang makapangyarihan at multi-bilyonaryong pamilya Aguilar-Villar e tatahimik na ang Quad Comm at Sen. Risa Hontiveros, wag lamang si Alice Guo at iba pang suspect ang tanungin at usigin.

May alam ang mga opisyal ng Vista Mall at siguro may mabibisto kayong misteryo kung kikilos ang Quad Comm, tama po ba, Cong. Ace Barbers?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.