Advertisers
Lumabas na ang resulta sa pagsusulit na isinagawa noong Agosto ng Komisyon ng Serbisyo Sibil at nabatid na mababa ang bilang ng nakapasa. Nahati sa dalawang kategorya ang pagsusulit, ang sa Professional na 14.43% o 296,758 katao ang nakapasa at 14.18% o 4,637 katao ang nakapasa sa Sub-Professional. Sa pagpasa sa pagsusulit malamang na mabibigyan ng prayoridad ang mga nakapasa na makapasok sa serbisyo sa pamahalaan ngunit ‘di nangangahulugan ng tuwirang matatangap dahil naka depende sa kakayahan ng aplikante gayun din sa bukas na posisyong iniibig. Mahirap ang makalusot sa pagpasok sa pamahalaan at madalas na kailangan ng reseta mula sa padrino ng maka-ungos sa pwestong minamataan. Sa totoo lang, ang pagpasa sa pagsusulit ng Komisyon ay isa sa mahalagang kwalipikasyon ng mga nag-iibig magserbisyo sa bayan at mamamayan ngunit mainam ang pagkakaroon ng reseta mula sa kakilalang politiko, pambansa o sa lokal na tanggapan.
Masinsin ang pagtatasa sa mga taong ibig pumasok sa serbisyo publiko higit sa mga tanggapang pambansa. Hindi maitatatwa na mula sa pambansang tanggapan ang mga balakin na ibig ipatupad sa bansa higit sa mga kalunsuran na digmaan ng pag-unlad. Ang makapasok sa tanggapang pambansa’y pagpapakita ng husay ng sino man sa kadahilan na bangit sa itaas. Ang tagisan ng galing ang basehan ng paggagawad ng tungkulin sa karaniwang tao na nag-iibig maglingkod sa gobyerno. Ito ang karaniwang landasin ng sino mang Pinoy na galing ang puhunan sa pagpasok sa pamahalaan. Subalit, nariyan ang kasanayan ng mga puno ng tangapan sa pagtangap sa mga aplikante na may reseta o ang palakasan system na napagbibigyan basta’t bitbit ang pagiging karapat dapat sa pwestong inaasam, makapasa sa pagsusulit ng CSC.
Masinsin ang pagsasala ng pumapasok sa tangapan ng pamahalaan ngunit higit ang pagpapataas ng pwestong tatanganan. Nariyan ang komprehensibong pagtatasa sa mga kawani ng pamahalaan na nakaabang sa tinatawag na “promotion”. Ang pagtatasa sa mga nagawa ng kawani sa maraming taon higit ang huling tatlong taon kung saan ang pagsusuri’y gagawin para sa pagtaas sa rangong tatanganan. Sa pagsusuri, kailangan ng mga nagbabalak na makuha ang promotion ang pagiging bukod tanging kawani (Outstanding) o lubhang kasiya siya (Very Satisfactory) sa bangit na tatlong taon. Ang kagandahan dito, ang labanan sa pwestong ibig ay nagkakatalo sa maliit na puntos higit ang mga organiko sa tangapan o matatagal sa serbisyo na kadalasang binibigyan bigat sa pagtatalaga sa bagong mataas na pwesto.
Ilang dahilan lang ang bangit, sa mga pagtaas sa pwesto sa paglilingkod sa gobyerno dahil nariyan na kailangan na natapos ang Masteral Degree at ang tinatawag na Career Executive Service na binibigay sa mga kawani na nakamit ang pagiging opisyal sa tangapan sa tagal sa serbisyo. Maraming pagsusulit ang dinadaanan ng mga opisyal na ganap bago makamit ang pinaka mataas na tungkuling makukuha sa tangapan. Ang tinatawag na CES na karaniwang nakukuha o binibigay sa mga kawaning opisyal ng mga tangapan na may rangong hindi bababa sa Salary Grade o SG24. Ang SG24 o mataas na SG ang madalas na nagiging OIC ng mga tangapan higit sa pagpapalit ng liderato ng pamahalaan. Sa mga kawaning may CES, marami ang may rangong director pataas hangang undersecretary ng mga kagawaran. At may ilan na nagiging pangulo ng mga tangapan na may negosyo pinatatakbo ng pamahalaan. Masasabing maayos ang pagpili o paglalagay ng mga kawani ng pamahalaan higit ang mga tuwirang nagpapatakbo ng mga tangapan. Walang pagdududa sa mga kagalingan ng mga kawani ng pamahalaan higit ang mga career officers na bihasa o sanay sa kalakarang serbisyo sa bayan.
Sa totoo lang, hindi ganap ang kasiyahan ni Mang Juan higit sa pagpasok ng mga taong basta’t itinalaga sa pamahalaan dahil sa lapit sa mga politikong halal. Ang mapait, ang kawalan ng kaalaman sa pwestong tatanganan o sadyang itinutulak ang interes ng taong nagtalaga sa pwesto. At kagawian sa pamahalaan ang sistema, ang pagtatalaga sa mga kakampi sa politika bilang puno ng mga tangapan, ano masasabi ng kalihim ng Agrikultura?
Sa pagtatalaga ng mga taong kulang ang kakayahan bilang puno ng kagawaran o tangapan sa pamahalaan ang madalas na dahilan ng pakakaheto’t heto’t sa pagpapatakbo ng tangapan. Ang masakit hindi lang ito nagaganap sa mga ahensya ng pamahalaan na tinatawag na line agency. Nagaganap din ito sa maraming tangapan na tinatawag na Government Financial Institutions (GFIs) and Owned and Control Corporation (GOCCs). Sa pagtatalaga ng mga puno o tserman ng mga tangapan bangit nariyan na pinangangalandakan ang lapit sa mga nagtalaga dahil sa pag-aabot ng pondo na nagamit sa halalan o naging bahagi ng mga campaign team ng nagtalaga. Sa lapit sa nagtalaga umaasta ‘di magagalaw kahit anong gawin dahil sa utang na loob ng nanalong politiko. Ikaw na ang mag-abot ng perang pangangampanya. Maganda sana kung alam ng itinalaga ang pagpapatakbo ng tanggapan o kagawaran. Ang mapait, tila pag-aari ng mga natalaga ang turing sa tanggapan napasukan na kahit ano ang gusto’y nakukuha kahit lihis sa kagalingan ang pagpapasya at sa mga alituntunin ng tanggapan. O’ sadyang walang alam sa kalakaran ng nasa pamahalaan o sadyang kamag-anak ng mga mangmang ng kaTimugan.
Bigyan halimbawa, ang puno ng Board of Directors ng Development Bank of the Philippines na itinalaga dahil sa lapit sa punong tagapagpaganap. Alang kaalaman ito sa kalakaran sa pamahalaan ngunit maangas ang dating at ibig magpakitang gilas sa mga kawani. Ibig saklawin ang tungkulin ng pangulo ng bangko na labis sa tungkuling inatang. Dahil puno ng BOD, nakukuha ang ibig kahit sagasa kilos ng pangulo ng bangko at sa mga patakaran nadatnan. Sa pananagasa, maging ang mga patakaran ng bangko’y nasagi na nagresulta sa lipatan ng maraming “blue chips” na kliyente ng bangko. Ang masakit nagbulag – bulagan o hindi nakitaan ng pagtutol sa kautusan ng kalihim ng pananalapi na maglipat ng bilyon – bilyong pondo sa Maharlika Investment Corp. Sa totoo lang, hindi pondo o kagalingan ng bangko ang nasa isip kundi ang umiwas ang pwestong tangan malulusaw sa pagbubuklod ng bangkong pinamumunuan at ng bangko sa lupa. Hayun napanatili ang pwesto at muling nagpapasiklab sa pagpapatigil ng ilang benepisyo na matagal ng tinatanggap ng mga kawani ng DBP. Ang kagalingan, nakipagkuntsaba sa ibang board director na nag-aambisyong masungkit ang pwesto ng panguluhan ng bangko.
Ang kalakarang sa pagtatalaga sa mga taong ‘di batid ang kaayusan at takbo ng tanggapan ang kadalasang sanhi ng pagbagsak ng serbisyo sa pamahalaan. Ang baguhin ang mga kaayusan tungo sa palpak na ibig ang pinagpipilit gayung sala sa kagalingan. Ang mga naitatalaga na may hawak ng reseta ng natulungan sa halalan ang masamang gawi ng serbisyong nakakasuka kay Mang Juan. Ang paglayo sa kalakaran ng serbisyo sibil ng masinsin na pagtatasa sa mga magiging kawani ng pamahalaa’y ‘di dapat mawala dahil sa sistema ng palakasan. (may kasunod)
Maraming Salamat po!!!!