Advertisers
Ni Archie Liao
PARA sa newbie actress na si Bianca Tan, napakalaking break para sa kanya ang mabigyan ng magandang role sa pelikulang “Believe It or Not?” na idinirehe ni Direk Errol Ropero.
“First movie ko po kasi ito at nagpapasalamat po ako na nabigyan po ako ng break,” aniya.
Sey pa ni Bianca, nag-audition daw siya para sa bida-kontrabida role sa nasabing advocacy movie tungkol sa masamang epekto ng bullying.
Ginagampanan niya ang papel ni Brenda, ang bratinelang school bully sa pelikula.
Aminado naman si Bianca na nakaranas na rin siyang ma-bully sa iskul kaya nakaka-relate siya sa kanyang role.
Proud din siya na maging bahagi ng pelikulang may adbokasya.
“Kaya po gusto naming ilibot ito sa schools para po maka-create ng awareness dahil marami po silang mapupulot na lessons sa movie,” pahayag niya.
Pagbabahagi pa niya, idol daw niya si Heart Evangelista bilang aktres at fashion icon.
Gusto rin daw niyang makatrabaho si Alden Richards.
Crush daw naman niya si Paulo Avelino na para sa kanya ay sobrang cool.
Di naman siya natatakot na makuyog ng possessive KimPau fans kapag nalamang pinapantasya niya ang magaling na aktor.
“Willing naman po akong pumila,” pakli niya.
Kuwento naman ng direktor nitong si Errol Ropero, ang pelikula raw ay base sa kanyang tunay na karanasan noong kabataan niya.
“Bully po talaga ako pero every time na nambu-bully ako, nabu-bully din ako agad. Instant karma. Ginawa ko iyong pelikula based sa experience ko noong kabataan ko. Lahat kasi ng nabu-bully at nambu-bully may reasons kung bakit sila ganyan. So, bully po talaga ako dati,” ani Direk Errol.
Sa pelikula ay itinatampok din ang love team nina Potchi Angeles at Shira Tweg.
Tampok din dito ang awiting Say Watcha Wanna Say ng popular na P-Pop group na BILIB.