Advertisers
SA isang nakagugulat na pangyayari, humarap si dating Senadora Leila De Lima sa House Quad Committee upang ilahad ang kanyang kaalaman ukol sa extrajudicial killings noong panahon ni dating Pangulo Rodrigo Duterte, pati narin upang ibahagi sa publiko ang pang-uusig na kanyang naranasan mula kay Duterte, bilang isa sa kanyang pinakamahigpit na kritiko.
Kinumpirma ni Leila De Lima ang testimonya ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager retired Police Colonel Royina Garma.
Ang testimonya ni Garma ay nagbigay ng bagong liwanag sa pagkakaroon ng tinaguriang “Davao Model” at ang kaugnay na reward system na diumano’y umiiral noong kasagsagan ng kampanya kontra droga ni Duterte.
Ang “Davao Model” ay sinasabing nakabatay sa isang sistema ng gantimpala, na naghihikayat sa mga lokal na yunit ng pulisya na magsagawa ng agresibong mga operasyon laban sa droga kapalit ng bayad. Sa ilalim ng modelong ito, nagbibigay ng gantimpala batay sa bilang ng drug suspects na naaresto o napatay sa mga operasyon, pati narin sa panlipunang katayuan at prominensiya ng biktima. Ang sistemang ito ay nagmula sa Davao City at binuo ni Duterte noong siya ay alkalde pa lamang.
Si Duterte, sa pamamagitan ng mga tiwaling pulis, ay nag-organisa ng isang espesyal na task force na kilala bilang Davao Death Squad upang magsagawa ng mga pamamaslang. May sistema ng mga impormante at mga hitman upang ipatupad ang mga operasyon. Ang mga impormante ang magbibigay ng impormasyon ukol sa mga hinihinalang personalidad ng droga habang ang mga hitman ang magpapatupad ng pamamaslang. Ang mga high-profile na pamamaslang ay binibigyan ng gantimpalang P500,000.00 hanggang P1,000,000.00. Ang pagpatay sa mga karaniwang drug suspect ay binibigyan ng premyong pera mula P20,000.00 hanggang P50,000.00.
Kinumpirma ng dating Senadora De Lima ang testimonya ni Garma ukol sa Davao Model.
Sa kanyang talumpati, ibinunyag ni De Lima na noong siya ay pinuno ng Commission on Human Rights, nakatanggap siya ng iba’t ibang testimonya mula sa mga saksi ukol sa reward system. Pinatutunayan ng testimonya ni De Lima ang pagkakaroon ng reward system, at ang mga ebidensya laban kay Duterte ay patuloy na lumalabas, nagpapalakas ng pananagutan niya bilang utak sa likod ng war on drugs.
Si De Lima, na matagal nang kritiko ni Duterte at ng kanyang kampanya kontra droga, ay inakusahan ng pagkakasangkot sa kalakaran ng droga noong siya ay kalihim ng Department of Justice mula 2010 hanggang 2015. Ang mga akusasyong ito ay nauwi sa kanyang matagal na pagkakakulong mula 2017, matapos magpatotoo ang ilang saksi—karamihan ay nahatulang drug traffickers—na umano’y nakinabang siya sa kalakaran ng droga sa loob ng New Bilibid Prison. Subalit, sa katotohanan, ginamit ni Duterte ang kanyang kapangyarihan bilang pangulo upang ipiit nang labag sa batas ang isa sa kanyang pinakamakapangyarihang kritiko.
Si De Lima ay may malawak na kaalaman ukol sa madugong kampanya kontra droga ni Duterte at dahil dito, naramdaman ng dating pangulo ang banta, na naging sanhi ng hindi makatarungang pagkakakulong ng dating senadora. Ngayon, nananawagan si De Lima kay Duterte na harapin ang mga alegasyon laban sa kanya at humarap sa batas.
Gayunpaman, ang maipapakita lamang ni Duterte ngayon ay ang nawala niyang tapang. Ang kaya lamang niyang gawin ay mag-ingay at magsinungaling sa publiko na handa siyang harapin ang imbestigasyon ng Quad Comm. Muli siyang hindi sumipot, na nagpapatunay sa sentimyento ng publiko na si Duterte ay isang duwag. Ang kanyang reward system ang nagdulot ng walang saysay na pagpatay sa libu-libong indibidwal noong panahon ng kanyang pamumuno, at ang tanging makabubuti sa publiko ay ang pagdalo niya sa mga pagdinig ng Quad Comm upang sa wakas ay sagutin nang tapat ang mga isyung kinakaharap niya.