Advertisers
Dalawang long-time reinforcement na Amerikano ng PBA. Kapwa naglaro sa mga koponan ni Coach Tim Cone. Parehong binitbit kanilang mga team at nagwagi ng maraming beses ng Best Import award.
Sean Chambers para sa Alaska at Justine Brownlee para sa Barangay Ginebra.
Para kay Cone ay hindi lang sila mahalaga sa loob ng hardcourt kundi pati sa labas.
“Sina Sean at Justine ay tila glue na nagdidikit ng mga player ng Alaska at Ginebra, “ wika ng multi-titled mentor.
“Nagkaroon ng magandang chemistry ang Aces noon at Gin Kings ngayon dahil sa kanila,” diin ng kasalukuyang HC ng Gilas Pilipinas.
Mangyari ay ibang klase silang mga import. Hindi lang sila mga scoring machine gaya ng iba kundi ibinibigay kung ano ang kulang sa grupo. Kung kailangan ang rebound at assist ay iyon ang kanilang pinupunan. Tapos yung leadership nila hanggang matapos ang game nandoon pa rin kaya click sila sa mga kakampi. Mabuting halimbawa ng hardwork, patience at lifestyle sa lahat.
Kaya naman si Chambers naka- grandslam para sa prangkisa ng mga Uytengsu noong 1996.
Si Brownlee ang daming titulo sa GSM na isa sa hawak ng SMC na pangkat.
Si Sean nasa FEU na bilang bench tactician samantala si Justine ginawa pang naturalized citizen ng Kongreso upang tulungan din ang pamvansang koponan.
Ganyan sila ka- importante.
Sa isang episode ng PBA Motoclub vlog ay natanong ni Rico Mairhofer si Willie Miller kung sino ang pinakaayaw niyang naging coach.
Tatlo daw sila pero nadagdahan pa noong bandang huli ng panayam.
“ Pinakaayaw ko mga bench tactician sina Siot Tanquincen, Jong Uichico, Junel Baculi at si Franz Pumaren” sagot ng 2x MVP ng PBA.
“Mangyari hindi nila alam kung paano ako gamitin,” dagdag ni Willie na produkto ng Letran College.
Mas binigyan pa raw ng playing time ang tatlong rookie na pareho niyang guwardiya ang posisyon.
Iginiit ni Miller na pang 4th quarter talaga siya pero paano raw siya iiskor kung hindi pinapasok.
Ang sama pa ng loib niya ay pinagdudahan pa raw siya na nagbenta ng game.
“Best years ko noong unang sampung taon ko sa liga kaya umiiyak kapag natetrade, “ diin ng PBA legend na naglaro sa Red Bull, TNT at Alaska.
Naging bahagi rin siya ng Ginebra , Barako at Globalport.
Ngayon ay coach ang 47 na años na ex- cager sa Letran Squires.
***
Umpisa bukas ng PBA Finals sa pagitan ng TNT at Ginebra. Ayon kay Ka Berong ay Tropang Giga yan sa dulo, 4-3. Pero eka naman ni Tata Selo ay 4-2 naman yan sa GinKings.