Advertisers

Advertisers

Bong Go: Mga ospital, Malasakit Centers maghanda sa post-flooding surge

0 11

Advertisers

Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa mga ospital at Malasakit Centers sa buong bansa na maghanda sa potensyal na pagdami ng mga pasyente dahil sa pagbaha sa iba’t ibang lugar.

Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng paggamit ng Malasakit Centers para makapagbigay ng tulong medikal sa mga naapektuhan ng bagyo, dulot ng matinding pagbaha, kung saan maraming residente ang napadpad sa mga rooftop.

Ayon kay Go, kritikal ang maagap at sapat na pangangalagang pangkalusugan sa mga pamilyang bakwit, lalo sa mga bata, at matatandang residente na maaaring tamaan ng mga sakit na dala ng tubig-baha pagkatapos ng mahabang araw ng matinding pag-ulan.



“Ang Malasakit Center ay para sa ating mga kababayan na naghahanap ng tulong medikal lalo sa panahon ng sakuna ngayon na maraming nasalanta ng bagyo,” sabi ni Go.

“Nandiyan ang Malasakit Centers para matulungan kayo, pera ng taumbayan ‘yan at binabalik lang sa inyo sa pamamagitan ng mabilis at maayos na tulong pampagamot.”

Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program.

Sa ngayon, 166 Malasakit Centers ang operational sa buong bansa, na nakahanda upang tumulong sa mga gastusin sa pagpapagamot ng mga pasyente. Iniulat ng DOH na nakapagbigay na ng tulong ang Malasakit Center program sa mahigit 15 milyong Pilipino.

Kaugnay ng mga panganib sa kalusugan, pinaalalahanan din ni Go ang mga Pilipino na manatiling mapagbantay at makipagtulungan sa mga awtoridad, partikular ang tungkol sa mga hakbang sa kalusugan at kaligtasan sa mga pansamantalang tirahan.



“Sa lahat ng ospital at lokal na pamahalaan, maghanda po tayo at magtulungan para matulungan ang ating mga kababayan sa panahon ng pangangailangan. Pangalagaan natin ang kalusugan dahil ito ay katumbas ng buhay ng Pilipino,” ani Go.

Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagiging maingat sa mga banta sa kalusugan, partikular na sa leptospirosis na nakababahala ang pagtaas ng kaso kasunod ng mga nagdaang bagyo.