Advertisers

Advertisers

Malungon, GenSan, ginto sa IP Games

0 6

Advertisers

INIUWI ng Municipality of Malungon at host General Santos City ang mga unang nakatayang gintong medalya sa dalawang araw na 2024 Indigenous People’s Games na ginaganap dito sa Antonio Acharon Sports Complex sa Barangay Calumpang.

Napuno ng maigting ngunit masayang pahusayan sa pagbabalanse ang mga katutubo mula sa walong kalahok na tribu sa kategorya ng Kadang (Kawayan) na para sa kalalakihan at sa Kadang (Bao) na para naman sa kababaihan

Itinala nina Arnel Quidoc, Garry Tamalon, Aquino Tamalon at Brix Jerzel Dela Cruz ng Malungon ang 3:07 minuto upang iuwi ang gintong medalya sa torneo na inoorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) base sa atas ng United Nations Educational and Scientific and Cultural Organization (UNESCO) para sa pangangalaga ng kultural na pamana ng Pilipinas at sa buong mundo.



Pumangalawa ang GenSan sa itinalang 3:16 minuto at pangatlo ang Kiamba (4:43 minuto).

Hindi naman nagpahuli ang kababaihan ng host GenSan matapos na mabilis nito abutin ang ginto sa Kadang (Bao) sa naging mahigpit na resulta ng labanan na nadesisyunan sa segundo lamang .

Natawid nina Wincy Princess Calfaro, Princess Malil Galcan, Cindy Darie at Daisy Bacaron sa kabuuang 43 segundo ang finish line para sa General Santos sa 43 segundo. Pumangalawa ang Malapatan na may 43.63 segundo habang pumangatlo ang Malungon na may 44.73 segundo.

Natumbok naman ng Municipality of Kiamba ang ginto sa Bangkaw (Spear) matapos mapatamaan ng tatlo sa lima nitong miyembro ang target na kalabasa. Pangalawa ang GenSan at pangatlo ang Malapatan.

Ang Kiamba ay binubuo nina Emilio Wangkal, Bernie Tagure, Rosendo Olegario, Kedaly Bokok at Peruel Sinamang.



Ikinatuwa naman nina Philippine Sports Commission (PSC) Commissioners Matthew “Fritz” Gaston at Edward Hayco na kasama si General Santos City Mayor Lorelie Pacquiao at mga representante ng National Indigenous People’s Commission ang mga makulay na pagtatanghal sa tradisyunal na seremonya.

“Nakakatuwa dahil makikita natin na magkakasama ang mga kabataan at iyung mga matatanda na nagtutulungan sa bawat sports na nagpapakita ng dalawang henerasyon na magkasama sa sports,” sabi ni Gaston.

Binigyang inspirasyon ni GenSan City Mayor Pacquiao ang pagsasagawa ng kompetisyon para sa mga IPs na sinabi nito na hindi lamang nagbibigkis sa mga makukulay na tradisyon at kultura ng mga Pilipino kundi nagbibigay din ng pagkakataong magsama-sama at magpamalas ng kakayahang pisikal ang mga miyembro ng mga tribu.