Advertisers
Tiniyak ni Quezon City Police District (QCPD) District Director, PCol. Melecio M Buslig na sisegurihin ng pulisya ang seguridad sa mga bus terminal at sementeryo sa lungsod sa panahon ng Undas ngayon Nobyembre 1 hanggang sa Linggo.
Ang pagtityak ay inihayag ni Buslig nang magsagawa ng inspeksyon sa mga bus terminal sa Cubao, QC, sa pangunguna ni National Capital Regional Office (NCRPo Chief, Pmaj. Gen. Sidney Hernia.
Ayon kay Buslig, simula pa nitong Lunes, Oktubre 28, 2024 ay sinimulan na ng pulisya ang pagpapakalat ng mga operatiba sa mga bus terminal bilang paghahanda sa inaasahan pagdagsa ng mga pasahero.
Sa direktiba ni Buslig, 24-oras ang gagawin pagpapatrolya at pagbabantay sa mga bus terminal upang matiyak ang seguridad sa lugar lalo na ang kaligtasan ng mamamayan gayundin sa mga sementeryo sa lungsod.
Ayon pa sa opisyal, kailangan na 24 oras ang pagmamanman para makita ang sitwasyon sa mga bus terminal at mga sementeryo sa lungsod ngayong Undas hanggang sa pagbabalik ng mga nagsiuwian sa probinsiya sa Linggo, Nobyembre 3, 2024.
Ani Buslig, para matiyak ang seguridad ng publiko sa lungsod, may 7,647 personnel ang itinalaga sa lungsod para magbantay at magbigay seguridad hindi lamang sa mga bus terminal at sementeryo kung hindi maging ang pagmomonitor at pagbibigay seguridad sa mga iiwanan bahay ng mga nagsiuwian sa probonsiya at sa mga magtutungo sa sementeryo. Bukod pa rin dito ang patuloy na pagbibigay seguridad at kaligtasan sa milyong QCitizens maging sa mga establisimiyento, dagdag ng opisyal.
Ang 7,647 personnel ay kinabibilangan ng 4,786 mula sa PNP, 234 Barangay Tanods, 110 mula sa Lingkod Bayan Advocacy Support Groups, 11 Patrolya ng Bayan teams, 2,316 security guards, aat 190 personnel sa Department of Public Order and Safety (DPOS). may karagdagang suporta din na manggaling sa Traffic and Transport Management Department (TTMD) at Task Force Disiplina.
Kabilang sa bus terminal na inispeksyon kahapon ng hapon ni Buslig kasama si PCol. Amante Daro, QCPD Deputy Director for Operations ay ang Five Star Bus Terminal at Victory Lines, kapwa sa EDSA, Cubao, Quezon City.
Sineguro naman ni Buslig sa mga biyahero ang kanilang kaligtasan at pinaalalahanan na agad na humingi ng pabor o tulong sa mga pulis kung kinakailangan.
Samantala, ininspeksiyon din ni Buslig ang Holy Cross Cemetery sa Quirino Highway kung saan pinaalalahanan ang kanyang mga pulis at barangay officials na tiyakin ang seguridad ng mga dadalaw.(Almar Danguilan/Ernie dela Cruz)