Advertisers
HINDI natin maaaring balewalain ang katotohanang malaki ang nabawas sa kriminalidad sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang masidhing kampanya kontra droga ay nagdulot ng kapayapaan at kaligtasan sa maraming komunidad na minsa’y nagdusa sa mga krimeng dulot ng ipinagbabawal na gamot.
Sabi ng ilang mga kababayan natin, ang kanyang mga ginawa at paninindigan ay nagpapaalala sa atin ng kanyang panata na protektahan ang bawat Pilipino sa abot ng kanyang makakaya.
Sa kanyang pagharap sa Senate Blue Ribbon Subcommittee, buong tapang niyang inako ang responsibilidad para sa mga naging aksyon sa ilalim ng kanyang pamamahala sa war on drugs, isang hakbang na naglalayong protektahan ang kaligtasan ng bawat Pinoy mula rito.
Malinaw niyang ipinahayag na ang kanyang utos sa mga pulis ay ang pagtugis sa mga kriminal na sumisira sa lipunan, at hindi niya pinapayagan ang sinumang umabuso sa poder ng kapangyarihan.
Kaya hindi maikakailang hindi madali ang ginampanang trabaho noon ni Duterte bilang Pangulo, lalo na’t kinailangan niyang harapin ang matinding hamon ng kriminalidad at illegal drugs sa bansa.
Masasabi naman na magkakaiba lang ang kampanya at diskarte nina ex-PRRD at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa ipinagbabawal na droga.
Sabi nga, holistic approach ang ginagawa ni PBBM na makikitang epektibo rin naman.
Muling binibigyang-buhay ng Presidente ang kampanya laban sa droga sa pamamagitan ng isang mas makatao, mas malawak, at mas inklusibong diskarte.
Sa halip na tutok lamang sa paggamit ng dahas at pwersa, ang administrasyong Marcos ay naglatag ng isang holistikong pananaw na nagpapakita ng kanyang malasakit sa tunay na pangangailangan ng lipunan—ang rehabilitasyon ng mga nalululong sa droga, ang pagpapatatag ng pamilyang Pilipino, at ang pagtaguyod ng seguridad sa komunidad.
Malinaw na sa usapin ng pamamahala at paglilingkod sa bayan, ang bawat lider ay may kanya-kanyang estilo at diskarte. Si Pangulong Marcos ay kasalukuyang nasa ikalawang taon pa lamang ng kanyang panunungkulan, samantalang si dating Digong ay tapos ang termino.
Subalit sa kabila ng mga pagkakaibang ito, may pagkakatulad din silang dalawa—parehong may layuning itaguyod ang kapakanan ng bansa.
Hindi natin maikakaila na may tumutuligsa at may mga pumupuri sa kasalukuyang administrasyon.
Gayunman, mahalagang tandaan na ang hatol sa kasalukuyang Punong Ehekutibo ay hindi dapat ibatay sa dalawang taon lamang ng kanyang panunungkulan.
Tulad ng anumang malalaking pagbabago, nangangailangan ng oras upang ganap na makita ang epekto ng mga programa at proyekto na kanyang isinusulong. Ang ganitong mga hakbang ay hindi madali dahil kailangang magtiwala tayo at magbigay ng sapat na panahon kay Marcos para makita ang bunga.
Magkaibang estilo ang dala nina Marcos at Digong. Si Duterte ay kilala sa kanyang matapang at direktang pamamaraan sa paglutas ng krimen at droga, habang si Marcos naman ay mas piniling tutukang mabuti ang ekonomiya, kalusugan, at imprastruktura.
Maaaring may mga hindi sang-ayon sa isa o sa kabila, ngunit pareho silang epektibong lider sa kanilang sariling paraan. Ang mahalaga ay ang layunin ng bawat isa—isang maunlad at ligtas na bansa.
Darating din ang panahon ng pagtatasa, pero mas mainam kung ito ay magaganap pagkatapos ng buong termino ni Marcos. Doon lamang natin tunay na masusuri ang epekto ng kanyang mga proyekto o programa, ang kalagayan ng ekonomiya, at ang pamumuhay ng bawat Pilipino sa ilalim ng kanyang pamamahala.
Sa ngayon, ang pinakamainam na magagawa natin ay maging bukas at suportahan ang mga hakbang ng administrasyong Marcos na makatutulong sa ikauunlad ng bayan.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.