Advertisers
Mapag-imbot ang mga tao sa politika, ‘di mahalaga ang katotohanan at laruan ang tanaw sa taong bayan. Walang kakabigin sa mga nagtutunggali ang tindig sa tama ang ibig mabatid sa mga naghahanap ng tamang kasagutan sa mga tanong na naglipana sa lipunan. Pagdinig ang tawag sa tanungan at sagutan na naganap sa senado at kongreso ngunit nakita ng bayan na sa pagtayo sa mga usapin ang ganap na kampihan ng kulay higit ng kaperahan. Ang pagtindig sa usaping dininig ang kinabukasan ng marami higit ng mga nakasalang na inaakusahan na sangkot sa mga patayan sa nakaraan. Marami ang umiiwas na mabanggit ang ngalan ngunit ‘di si Totoy Osla aka Kamatayan, na handang tumindig at sasagutin ang tanong na ibabato ng senado. Hindi natatanong, handa ng akuin ang ano mang sala ng mga gumawa ng pagpaslang basta’t ayon sa utos na inilabas sa bigong laban sa droga ng dating pamahalaan. Sa totoo lang may mga nasiyahan at may nabantilawan sa pahayag ng kaalaman sa mga paslangan.
Magkaiba ang tanggap sa mga banggit ni Kamatayan na dahilan ng pagkakahati ng opinyon sa loob ng Senado hanggang sa lansangan. Marami ang nasiyahan dahil sa may taong aako sa likod ng walang habas na patayan na resulta ng kawalan ng hustisya sa mga inosenteng biktima. Lalabas ang katotohanan at makakamit ang katarungan sa mga naiwang pamilya ng mga yumao. Ang pagluha sa nakaraan dahil sa nawalang kamag-anak o anak ay napalitan ng liwanag at pag-asa na makakamit ang katarungan sa pag-ako ni Kamatayan sa gawa ng bataan. Masakit sa loob ang pagkakawala ng mahal sa buhay ngunit tunay na may liwanag sa dulo ng kweba dahil sa pagiging arogante at matabil ni Totoy Osla. Tila nakalimot si Kamatayan sa mga bangit na mga pagpatay na sangkot ang mga tauhan na sumusunod sa utos hinggil sa bigong laban sa droga.
Sa kabilang dako ng opinyon, silip ang kagalakan sa ilang lugar sa bansa na tila pagsang-ayon sa mga pagsasaad ni Kamatayan hinggil sa matikas na tindig sa laban sa droga. Masaya ang iilan higit ang mga taong bulag sa katotohanan na mahirap makamit ang katarungan sa uri ng lider na may boga sa kamay. Mailap ang katarungan higit sa mga biktima’t pamilya na naghahabol na marinig ang panig para sa katarungan. Sino ang tatayo’t tututol sa panahon na ang nagpapatupad ang batas na katatakutan. Saan ka tatakbo, Mang Juan para magreklamo. Walang baliw na magdudulog o maghahanap ng katarungan sa mismong salarin ng mga biktimang hinahanapan ng hustisya. Sa pag-ako sa mga kasalanan, naging maalwan ang pakiramdam ng mga taong tuwirang sangkot sa mga patayan. At napatunayan na ang pagsunod sa mali’y may kabayaran sa kinabukasan. Ang kasiyahan ng mga salarin na tila inabsuelto sa krimen sa nakaraan.
Kasiyahan ang dama ng mga taong nagpatupad ng bibo este bigong laban sa droga ng dahil sa pagtupad sa tungkulin, ang lagutan ng hininga ang sangkot kuno sa droga. Ang utos ni Kamatayan ay wagas na kailangan sundin tama o mali at sa huli na ang pagsisisi sa halip na maputulan ng hininga at masadlak ang pamilya sa kapahamakan. Sa kabila ng maling pagtalima nariyan ang malaking pabuya na magagamit ng pamilyang harimunan. Sa totoo lang, masakit sa loob ang pagtalima’ ngunit kaginhawahang mabilisan higit ng pamilyang nangangailangan.
Ang magkabilang tindig sa naganap na mga pagdinig ng Quadcom at HuwadCom ang usapan sa bayan ni Mang Juan na naghahanap ng kasagutan sa mga pangyayari na ‘di maipaliwanag sa nakaraan. Sa mga pagdinig tila nahati ang Pinoy na naghahanap sa taong nagtatago sa katotohanan. Sa pagkakahati, hindi maitatatwa na mararating ang katotohanan sa likod ng pagtatakip sa mga naganap sa nakaraan. Ang pagsasaad ng mga panauhin sa magkabilang pag-uusisa’y tunay na mapapakinabangan hinggil sa mailap na katarungan. Ang pagbabanga sa mga pagsasaad sa mga pagdinig ang malinaw na larawan ng tunay na kaganapan sa nakaraan. Ang pagbibigay pahayag ng mga nagpatupad sa kautusan at pag-ako ng nag-utos sa maaring pagkakasala’y magagamit sa pagpapatibay ng indulto sa mga nagsagawa at nag-utos na mga paslangan.
Sa likod ng mga pagdinig, kapansin pansin na may mga kinatawang bayan ang lumabas ang kagalingan na nagpakinang sa kalidad ng mga bahayan. Sa pagdinig sa malawak na kabahayan silip na maraming kinatawang bayan ang nagpakita ng husay sa uri ng mga tanong na ibinabato sa mga panauhin. Silip kung paano naipalabas ang maseselang na impormasyon na nagbunsod ng pagkakaroon ng sariling pagdinig ang mataas na kapulungan. Walang pagdadalawang isip ang mga Kinatawang bayan sa malawak na kabahayan sa mga tanong na nagpaiyak at nagpaamin sa mga bisitang may kinalaman sa tinatalakay na usapin, ang bigong laban sa droga.
Sa kabilang banda, malinaw na hindi ibig magpadaig ang mataas na kapulungan at nagdaos ng sariling pagdinig na ang mismong pinatutukuyan ang ibig mag-uusisa. Sa pagdinig tila nakaungos ang senado at punong taga pagpaganap ang humarap para sa mga katanungan ibabato hingil sa nakasalang na usapin, ang bigong laban sa droga. Sa imbitasyong natangap mula sa senado tila dama ng dating punong tagapagpaganap na ‘di iba ang papasukang bahay. Naroon ang marami sa kasapakat at ang mismong taga pagpaganap ang nagmungkahi ng pagdinig. At ito ang tamang lugar na masasabi ang ibig. At dito mahuhuli ang talangkang mangmang.
At tama ang pakiramdam dahil ‘di napigilan si Kamatayan ng maraming kasapakat na ilabas ang naturalesa, ang pagiging bastos, tarantado at sira ulo. Sa bibig nanggaling ang mga pag-amin ng mag-utos sa mga tauhan, ang pagkakaroon ng death squad na gamit kontra sa kalaban sa droga. Inako ang responsibilidad sa mga naganap na patayan ng programa bigong laban sa droga. Tunay na mapalad ang mataas na kapulungan na nagkaroon ng isang Sen. Risa Hontiveros na ‘di nawalan ng malay at tumayo upang sabihan ang puno ng komite na sabihan si Kamatayan na maging magalang sa kanilang kabahayan. At sa totoo pa rin, si Sen. RH ang tanging kinatawan na tuwirang nagpaako kay Kamatayan sa mga ‘di mabilang na mga patayan na naganap sa panahon ng liderato ng kadiliman. At pasalamat ang maraming biktima ng maling laban sa droga na magagamit sa haharaping paglilitis, sa korte sa ICC ang pahayag ni Totoy Osla. Sa totoo lang, matikas ang tayo ni Kamatayan ngunit sa huling bahagi, ang paghingi ng paumanhin ang patunay na ang huling lalaking nakatindig ay isang babae, si Risa Hontiveros ang pinaka matikas ang tindig.
Maraming Salamat po!!!