Advertisers
WALANG panahon si Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa kantyaw, batikos ng mga kritiko, sabi ng Malakanyang, ang mahalaga ngayon, tuloy-tuloy ang gobyerno sa pagbibigay ng lahat ng kailangang tulong sa lahat ng mga biktima ng dalawang magkasunod na bagyong Kristine at Leon.
Mabilis ding kumilos ang pamunuan ng House of Representatives kung saan ang lahat ng kongresista, kasama ang mga partylist representatives ay naglabas ng mga pondo para sa ayuda, hindi lang iyon, sa ngayon, ang mga ahensiya, tulad ng Department of Science and Technology (DOST), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Department of Labor and Employment (DOLE) at ang National Risk Reduction Management Office (NDRRMO) at mga sangay nito sa bawat rehiyon ay patuloy ang relief and rescue operations sa mga pinerwisyo ng kalamidad.
Kung may parating na bagyo, mahigpit na ang monitoring para agad-agad tayo ay makapaghanda sa anomang mangyayari.
Yan bagyo ay hindi mapipigil, pero ang resulta o ang panganib na maidudulot nito sa buhay at kabuhayan ay maaaring di gaanong pinsala kung agad ay nakapaghahanda.
At ito ang iniutos ngayon ni PBBM, sabi nga niya, hindi kailangang tumigil ang gobyerno sa rescue and relief operations.
Wala na siyang pakialam kung may dumating pang bagyo — na sana ay wag dumating –, pero, sabi ng Pangulo: “xxx the rescue and relief don’t stop. It doesn’t matter there’s another storm coming, we cannot stop. That cannot stop.”
Sa utos ni PBBM, tumulong agad ang Mababang Kapulungan na mailabas agad ang mahigit sa P390 milyon na cash na ibinahagi na sa 22 distrito sa Bicol region, Eastern Visayas at MIMAROPA.
Hindi napigil ng ulan at patuloy na ulan ang mga tao sa DSWD, NDRRMO at ang mga opisyal at tauhan ng AFP at PNP na hanggang ngayon ay tumutulong sa mga bakwet (evacuees) at sa mga pamilya ng mga namatayan ng kaanak gawa ng baha, pagguho ng lupa at iba pang sakuna na dala ng bagyo.
‘Yung naiwan sa mga bahay nila, umaagos ang tulong, ito, sabi ni PBBM ay hindi dapat na tumigil.
Sa miting niya kay Social Welfare Sec. Rex Gatchalian, hindi dapat tumigil kahit pagod na ang mga taong gobyerno, dahil may mga tao na nakababad pa sa tubig at binabaha pa, at wala silang pagkain, walang tubig na maiinom, walang maayos na matitirahan.
Laging ang iisipin ng mga taong gobyerno na ang mandato ay sumaklolo sa mga kalamidad na mas isipin ang kalagayan ng mga taong nasa bingit ng kamatayan.
“So, if you think you are tired, think about what their condition is,” sabi ni PBBM na mararamdaman ang labis na pag-aalala sa mga biktima ng bagyo.
Sa ngayon, nagkapag-deploy na ang Office of Civil Defense ng 28 squad, 1,408 tropa at 3, 170 assets at mga tauhan ng Bureau of Fire Protection, at ginagalugad na ng mahigit sa 2,690 search and rescue team at mahigit pa sa 4,900 retrieval teams ang kumilos ngayon sa buong Luzon.
Nagpapasalamat ang Pangulo sa international aid na tinatanggap ng Pilipinas kaya naniniwala si Marcos, malalampasan ang pagsubok na ito ng natural na kalamidad na mahirap na iwasan at ang tanging magagawa ay mapaghandaan upang di gaanong malaki ang maging pinsala.
“I assure the Filipino people that the government is ably handling all disaster management efforts,” sabi ng Pangulo, at tiniyak niya, hawak na mabuti ng kanyang gobyerno ang kontrol upang makapagligtas ng buhay at magawan agad ng paraan na maayos ang mga napinsala ng nagdaang dalawang bagyo.
Mas naapektuhan ang Region 5 kaya dito nakasentro ang trabaho ng DSWD na ayon sa ulat, mahigit sa 150,752 family food packs ang naipamahagi na, at mahgit sa 3,231 non-food items — na may kabuuang halagang P111,133,601.54 — ang naitulong na sa mga sinalanta ng kalamidad.
At patuloy ang DSWD sa pag-eempake at pamamahagi pa ng tulong sa mahigit sa 1,905,700 pamilya.
At ang magandang balita, matapos ang recess ng Kamara at Senado, may gagawing imbestigasyon sa mga dahilan ng malabis na pagbaha, ito ay sa kabila ng sinasabing nakumpletong 5,500 flood control project na inianunsiyo ni PBBM sa kanyang 3rd SONA.
Hiniling ni Sen. Imee Marcos na sa ngalan ng transparency, dapat na buklatin ang libro de kuwenta ng bilyon-bilyong pisong pondo na ginastos sa anti-flood projects, at bakit hindi nakapigil ang mga iyon sa matinding pagbaha.
Nagbigay na ng utos ang Pangulo na imbestigahan ang mga proyekto na kontra-baha, at ipatawag sa Kamara at Senado ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang mga kontratista na gumawa ng mga proyektong ito.
Sa utos ni PBBM, makikita natin ang sinseridad niya na mapanagot ang may dapat panagutan sa mga di-maayos na pagawaing bayan na pinondohan ng bilyon-bilyong pisong buwis ng taumbayan.
Ating aabangan sa susunod na mga araw ang imbestigasyon na ito sa ngalan ng maayos na pamamahala at mapanagot ang may ginawang katiwalian.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.