Advertisers
Ganap ang kalamangan ng mga kandidatong may basbas ng administrasyon maging ang mga kandidatong nasa poder ng pamahalaan. Sa aga ng regla sa halalan, nariyan at naglipana ang mga pagpapakilala ng maraming politiko na ‘di masasabing may paglabag sa batas ng halalan sa kawalan ng pagbabanggit ng layon sa pagpapakilala. Sa totoo lang, ‘di kailangan bangitin ang pagnanais sa pwestong ibig dahil sa pagpapatala pa lang nariyan ang pagpapatawag ng press conference upang ipabatid ang pagtakbo sa halalan at sa pwestong ibig. Sa pagpapatawag ng “press con” ang unang salta sa pagpapabatid sa pwestong ibig at ang balak o batas na ihahain kung mahalal. Tunay na kanais nais ang ibig isagawa para sa kagalingan ng nakararami at ng sektor na ibig tutukan. Sa paglalahad ng pagnanais, silip ang dami ng tagasunod ang mga kandidato na kasama ang lider ng sektor na ibig tutukan sa pagsulong ng kagalingan. Ang silip ang saya ng mga lider ng sektor na dala ang sektor na matagal ng napabayaan ng pamahalaan.
Sa pagpapakilala, maganda ang tindig ng mga kandidatong may salapi sa dami ng dumadalo na kabilang sa grupo o sektor na taga suporta at ibig sumuporta. Sa pag-arangkada ng kandidatura tiwalang mararating ang nais sa dami ng salapi at taga suporta na todo ang palakpak na tila sigurado sa layunin, ang mahalal. Sa dami ng taga sunod at ibig sumuporta hindi usapin ang tauhan sa baba na magdadala sa pagpapakilala. Hindi usapin ang mahirap na gawain sa baba tulad ng pagdidikit at pagsasabit ng gamit pagpapakilala sa mga kandidatong “unlimited” ang salapi. At dito silip ang ganda na mapasama sa linya ng mga kandidatong dala ng administrasyon. Higit ang mga kandidatong batid ang dami ng salapi na sa aga ng regla’y ‘di usapin ang gastos sa pagpapakilala. Sa totoo lang, marami ang kaibigang nagkukusa na magdadala sa kandidatong unlimited ang salapi higit sa panahon ng pangangailangan sa salaping pangampanya. Ang masabit o masama ang ngalan sa gamit ng kakampi’y kalamangan.
Malayo pa ang laban sa halalan, ngunit nasa kakalsadahan ang maraming nakasabit na larawan at ngalan ng mga bwisit na nakangiti. Kita sa bawat poste ng may ilaw sa kakalsadahan ang larawan at ngalan ng masalaping kandidato gayung hindi pa panahon ng halalan. Ang dami ng salapi ang tunay na bentahe at ‘di ang gandang nagawa sa nakaraan. Ang maagang pagsasabit o pagdidikit ng mukha’t ngalan ng maperang kandidato ang paalala sa bayan na alang gagawing magaling sa bayan. Sa aga ng tagong pangangampanya’y patunay na nalililo si Mang Juan gayung alang bangit ng ibig sa halalan. Masakit na ‘alang magawa ang tagapagpaganap ng halalan dahil sa teknikalidad na pinaghandaan ng mga kandidatong may salapi. Sa kabilang banda, ‘di pansin na naiirita si Mang Juan sa mga nakikitang mukha’t ngalan gayung mahaba pa ang panahon ng kampanya’t halalan.
Matagal pa ng halalan ngunit palapit ang maraming kaugalian ng Pinoy na sasakyan ng politiko na magpapakalat ng mga pagbati, lokal at pambansang kandidato. Makikita ang mga pagbati ng pasko’t bagong taon, kapistahan, maging ang kaarawan ng taong marami ang tagasunod. Silip ni Mang Juan ang dami ng bumati sa punong tagapagpaganap ng isang relihiyon o sekta na nagdaos ng kaarawan kamakailan. Pila, hanap ng oras na mababati at pagkakataon na makasama sa isang litratuhan upang ipakita ang pagiging malapit na kaibigan ng puno ng sekta. Subalit o tila na mainam ang pagbati na nakabitin sa mga kakalsadahan ng makita ng mga tagasunod na tunay ang pagiging malapit sa puno o ng sekta kahit na sa malayong lupalop ng bansa. Mahalaga ang basbas ng punong tagapagpaganap ng sektang higit sa mga kandidato sa pambansang halalan.
Sa pag-ikot sa kapuluan, ganap ang bangit sa itaas ang maagang pagpapakilala ng mga kandidato para sa pambansang pwesto sa halalan. Walang pagsasaad ng ibig ngunit nagkalat ang nakasabit ng pagpapakilala, para saan? O’ang gulang na gawa ng masalaping kandidato na nagbubuhos ng pera sa ngalan ng pagpapakilala. Tunay na talo ng maagap ang masipag, ang panlalamang sa halalan ang gawa ng mga kandidatong tahiran sa politika at malaki ang puhunan sa halalan. Sa paglilibot sa bansa, uulitin kaliwa’t kanan sa poste ng kakalsadahan ang mukha at ngalan ng mga kandidatong batid ang dami ng pera. Sa pagsasabit ng ngalan, iisa ang layon, ang maitanim sa isip ng manghahalal ang ngalan ng ibinabandera ‘di bale ang kapal ng mukha. At sa susunod na panahon pupunuan ang impormasyon ng layon higit sa takdang panahon ng pangangampanya sa halalan, may panahon sa mga talumpati, motorcade o caravan at malakihang pagtitipon. Ngunit, iba ang mangusap ang mapera dahil kahit ang elepante’y pina-iindak sa aspile.
Malayo ang pagitan ng may salapi at walang salapi na dama sa baba ng lipunan kahit sa halalan. Nakatakbo na ang may salapi habang naghahanda pa lang ang mahirap na kandidato na dala ang isyu ng bayan. Batid na ng marami ang kung sinong Pilato masalapi, samantalang nahan ang mga tulad ni Mang Juan na kandidato, ala pa rin kabatiran ang maraming anak ni Mang Juan. At ang matingkad na kalamangan ng mga masalaping kandidato, sa pobreng kalaban. Nakagalaw at patuloy na gumagalaw ang kandidatura kahit sa aga ng panahon upang makauna sa labasan. Sa galaw na panlalamang ang dami ng pera’t tindig sa lipunan ang batayan kung bakit ‘di nagdadalawang isip na tumakbo sa laban at gumalaw ng pauna kahit saan bahagi ng bansa. Sabi nga sa unahan, marami ang ibig magboluntaryo sa laban ng masalapi para sa kagalingan sa buhay. Sino ang ‘di magkukusa kung makakatanggap ng biyaya kahit sa maiksing panahon ng kampanya’t halalan. At kung bwenasin, baka humaba ang gantimpala komporme sa dami ng botong ihahatid.
Walang pumaparehas sa galawan sa halalan kung ‘di ibig pulutin sa kangkungan. Ang maagang pagpapakilala sa buong bansa’y tunay na may kamahalan ngunit sadyang dapat gawin upang maka-ungos sa dami ng mga nag-aambisyon. Ang mga ngalan ng mga dati at bagong kandidato’y naglipana na sa bansa. Ang masakit alang magawa ang tanggapan ng halalan sa lantarang panggugulang sa halalan ng may salapi at kapangyarihan. Ang makalapit at makapasok sa grupo ng mapeperang politiko ang asam ng mga lokal lider para sa sariling layon. Bihasa ang mga politiko sa galawang gulangan higit sa pagtitiyak ng kinabukasan sa halalan. Karaniwan ang usapin ng gulangan sa halalan higit ang kaalaman sa batas ng halalan. Ang maagang talaan sa pagtakbo sa halalan ang butas na sinasamantala ng magulang at masalaping kandidato. Tunay na ‘di patas ang batas sa halalan sa bansa ni Mang Juan.
Maraming Salamat po!!!!