Advertisers
MADALAS kong naririnig sa mga matanda, lahat ng bagay ‘pag sumobra kadalasang nakakasama — tulad nalang ng sukdulang angas at kayabangan, meron din ‘yang hangganan. Mismo!
Pero para sa 79-anyos na dating Pangulo, maigi pang maubos ang yaman ‘wag lang ang angking kayabangan. Sa sobrang yabang, siya na mismo ang tumahak sa sariling kapahamakan.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Quad Committee, pinaandaran ni Duterte ang mga kongresista ng Kamara de Representantes. Hinahamon niya sa International Criminal Court (ICC), magtungo sa bansa para kunin ang ulo niya na para bang kayang-kaya niyang iwasan ang bulilyaso.
Susmaryosep! Paano niya iiwasan ang bulilyaso kung siya mismo aminado — pabuya sa mga unipormadong berdugo, pagtatanim ng ebidensya, Davao Death Squad, direktiba sa pagpatay… pati paggamit ng confidential fund sa madugong giyera kontra droga.
Ang resulta: Ibinigay ng Palasyo ang hilig ng dating pangulo!
Ayon mismo kay Executive Secretary Lucas Bersamin, hindi tutol ang gobyerno kung nais nang sumuko sa ICC ng dating pangulo sa kabila ng pagkalas ng Pilipinas noong 2019 sa Rome Statute na nagbigay-daan sa paglikha ng international tribunal.
“If the former President desires to surrender himself to the jurisdiction of the ICC, the government will neither object to it nor move to block the fulfillment of his desire,” saad sa pahayag ni Bersamin.
Base a rekord ng pambansang pulisya, nasa 6,200 ang namatay sa madugong giyera kontra droga sa panahon ng panunungkulan ni Duterte. Pero sa tala ng mga grupong nagsusulong ng karapatang pantao, nasa 30,000 katao ang pinaslang ng walang kalaban-laban.
Sa sandaling patulan ng ICC ang hamon ni Duterte, walang magagawa ang gobyerno ng Pilipinas. Obligadong makipagtulungan ang administrasyong Marcos.
Paano nga ba ang proseso ng ICC? Kung pagbabatayan ang mga idinulog na kaso sa ibang bansa, karaniwang pinapasa ng ICC sa International Police Organization (mas kilala sa tawag na Interpol) ang pagpapasya sa susunod na hakbang.
Sa kaso ni former Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr., inilagay ng Interpol sa ‘Red Notice’ ang pangalan ng sinibak na kongresista. Kaya ang Timor-Leste, naobligang dakpin ang puganteng mambabatas. Ganun din ang mangyayari sa Pinas.
“The government will feel obliged to consider the red notice as a request to be honored, in which case the domestic law enforcement agencies shall be bound to accord full cooperation to the Interpol pursuant to established protocols,” dugtong ni Bersamin sa opisyal na pahayag ng Palasyo.
Hindi ako abogado tulad ng dating pangulo. Pero sa simpleng pananaw ng isang ordinaryong Pilipino, tapos na ang boksing.
Malapit nang makamit ng libo-libong naulilang pamilya ang ipinagkait na hustisya.
Goodbye, Digong!