Advertisers

Advertisers

GONGDI, SONNY NAGGIRIAN SA QUADCOM

0 74

Advertisers

MAITUTURING sa kabuuan na tahimik at kalmado ang halos labing-dalawang oras na pagdinig ng QuadComm sa usapin ng giyera kontra droga ni Gongdi. Maliban sa isang yugto kung saan naggirian si Gongdi at Sonny Trillanes, ang kanyang mortal na kaaway.

Muntik na silang magpang-abot bagaman alam ng marami na hanggang banta, salita, at porma lang si Gongdi. Hindi totoong lumalaban si Gongdi ng patas at ang kaya niyang suwagin at katayin ay ang mga mahihina, mahihirap, at walang lakas na lumaban.

Hindi sukat akalain ni Gongdi na darating si Sonny Trillanes bilang isa sa mga resource person na inimbitahan na magbigay ng salaysay sa public hearing noong Miyerkules. Isa ito sa mga sorpresa na bumulaga kay Gongdi. Hindi nila alam na may pasabog si Sonny sa pagdinig.



Maiging maintindihan muna natin ang nangyari bago ang pagdinig ng QuadComm sa Camara de Representante Una, nagkaroon ng kalituhan kung matutuloy o hindi ito. Inimbitahan ng ilang ulit ng QuadComm si Gongdi, ngunit bahagi ng kanyang masamang ugali, hindi siya sumagot kung darating o hindi.

Lunes ng gabi, dakong ikaanim, naglabas ng kalatas ang QuadComm na kanselado ang hearing sa Miyerkules. Ipinagpaliban sa ika-21 ng Nobyembre upang makapaghanda ang mga resource person sa pagdinig. Ikapito ng gabi, kumilos ang kampo ni Gongdi. Ikinalat ng mga troll farm ni Gongdi sa social media na dadalo siya sa public hearing sa Miyerkules.

Mukhang totoo dahil kahit si Sal Panelo, dating tagapagsalita, ay nagpaskel sa social media na pupunta si Gongdi sa pagdinig. Si Sal ang ginagamit ni Gongdi bilang tagangawa dahil nagtatago si Harry Roque sa batas.

Martes ng umaga, mga ikalabing-isa, nagdaos ng presscn ang liderato ng QuadComm upang ipahayag na kanselado ang public hearing kinabukasan. May bagsak ng salita si Surigao del Norte Kin. Robert Ace Barbers, presiding officer, na nagpipilit si Gongdi na komprontahin ang mga lider ng QuadComm sa umaga ng Miyerkules. Force the issue – ito ang gagawin ni Gongdi. Ipapahiya niya ang QuadComm at sasabihin na sila ang naduwag at hindi siya.

Martes na hapon, masinsinang pinag-usapan ito ng pasikreto sa Camara ang isyu ng pagdating ni Gongdi. Nagdesisyon ang liderato na ituloy ang public hearing. Hind sila papayag sa scenario kung saan nagmagaling si Gongdi at aakusahan ang QuadComm ng kung ano-ano. Hindi sila nagpaisa sa patibong ni Gongdi.



Inatasan nila ang Secretariat na buhayin ang nakanselang pagdinig. Nagkukumahog na inimbita ang mga ibang resource person tulad ni Leila de Lima, Fr. Flavie Villanueva, Kristina Conti, Neri Colmenares, pamilya ng mga biktima ng EJKs, at ilan pang personalidad na may kinalaman sa isyu ng war on drugs ni Gongdi. Dumating o hindi si Gongdi, sila ang nagsasalita at buhay ang pagdinig. Gumawa sila ng contingency plan sa isyu.

Miyerkules ng umaga, dumating si Gongdi at hinding-hindi niya nakuhang paglaruan ang QuadComm sa kanyang nais. Nagtabi sila ni Leila de Lima. Nandoon ang mga taong tutol sa war on drugs ni Gongdi. Nagulat ang sambayanan dahil hindi akalain na natutuloy ang public hearing na unang ipinahayag na kanselado.

***

HALOS gabi ng dumating si Sonny Trillanes sa public hearing. Hindi siya pinaupo sa tabi ni Gongdi na batid ng mga lider ng Camara ay matindi ang galit sa kanya. Nasa kaliwa siya ni Gongdi at nakagitna si Leila at Fr. Flavie sa kanila. Inumpisahan niya ang salaysay na sumentro sa kinasasangkutan ng mga alipores ni Gongdi.

Nagkaroon na bagong kahulugan dahil hindi na pangulo si Gongdi at wala na siyang immunity sa anumang sakdal dahil hindi na siya pangulo. Hindi nakapanggulo si Gongdi habang nagpapaliwanag si Sonny sa public hearing. Maaga siyang nakontrol ng liderato ng QuadComm at hindi pinaporma kahit sa pakiramdam ni Gongdi ay siya pa ang pangulo ng bansa.

Binulaga ni Sonny ang public hearing nang ideklara niya sa umpisa na “peke” ang war on drugs in Duterte. Idineklara niya na si Gongdi ang “panginoon ng lahat ng panginoon ng droga (lords all druglords).” Ibinatay niya ang kanyang pahayag sa 188-pahina affidavit na inilabas ni Arturo Lascañas noong 2020 matapos lumikas si Lascanas at pamilya sa ibang bansa.

Bilang patunay, binanggit ni Sonny ang mga “kasabwat” umano ni Gongdi sa negosyong droga – Michael Yang, Charlie Tan, at Sammy Uy. Ipinaliwanag ni Sonny ang lalim ng pagkakasangkot ni Michael Yang sa ilegal na droga. Binanggit ni Sonny ang ulat ni Col. Edwin Acierto, ang nagtatagong dating hepe ng intelligence office ng PNP, at Jimmy Guban, ang nakakulong na dating intelligence officer ng Bureau of Customs, na parehong kinumpirma na si Michael Yang ang nasa likod ng P6.4-B na shabu shipment na nakatago sa magnetic lifter noong 2017.

Nakanganga si Gongdi habang ipinaliwanag ni Trillanes ang raket ng mga kasabwat ni Gongdi lalo na si Michael Yang. Hindi nakapagpigil at biglang nagsalita si Gongdi kahit hindi siya kinikilala ng presiding officer ng QuadComm na hindi dapat paniwalaan si Lascanas na nagbigay ng kanyang pahayag. Dito nag-umpisa na umanghang ang public hearing.

Kabisado ni Sonny ang isyu ng war on drugs ni Gongdi dahil siya ang kaisa-isang senador na nagsampa ng sakdal na crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC). Walang tumulong na lider pulitikal kay Sonny maliban kay Gary Alejano na noon ay kinatawan sa Camara ng Magdalo Party List. Bagaman marami ang nag-akala na walang mangyayari sa sakdal, sumulong ito. Nasa estado na ito ng “formal investigation” sa ICC.

Bilang ebidensya, inilabas ni Sonny Trillanes sa harap ng komite ang mga dokumento – tulad ng ledger, deposit slip, at iba pang opisyal na dokumento na nagpapakita na may mga bank deposit ang pamilya Duterte at umabot ang mga ito sa nakakagulat na halaga – mahigit P2.3-B. Kasama sa mga ebidensya ang bank account ni Gongdi, Polong, Baste, Sara, at kahit si Honeylet Avancena, kalaguyo ni Gongdi.

Nagkainitan sa bandang ito. Umakma na babatuhin ng mikropono ni Gongdi si Sonny. Ngising patuya ang sagot ni Sonny kay Gongdi. Nakapagpaliwanag si Sonny ngunit hindi si Gondi. Nauna ang init ng ulo ni Gongdi at dito siya natalo. (Itutuloy)