Advertisers
WALANG sinumang gobernador, mayor at mga konsehal sa mga lugal na may laganap na operasyon ng mga ilegal tulad ng kalakalan ng droga, sugal at iba pang uri ng bisyo, ang aamin na may kinalaman sila o sangkot dito.
Ang Cavite ay lugar ng mga maiimpluwensya at magagaling na mga public servant at opisyales ng gobyerno tulad ng magkapatid na Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla at DILG Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla na kapwa kabilang sa mga haligi ng pamahalaang Marcos ngunit pinamumugaran ng mga tahirang gambling lord at mga drug trader.
Suhestiyon ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) ay idagdag na ni Philippine National Police Chief Gen. Rommel Francisco Marbil kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) MGen. Nicolas Torre III ang paglilinis ng probinsya ng Cavite laban sa mga nagsulputang mga pasugalan na parang “kabute” lalo na ang operasyon ng EZ2 bookies, Peryahan ng Bayan (PnB) at online gambling ng isang alyas Jun Toto.
Ang mga ilegal na pasugal ni alyas Jun Toto na kalat sa 72 barangay ng Dasmariñas City ay ginagamit ding front sa bentahan ng shabu ganun din sa iba pang mga siyudad at bayan sa naturang probinsya.
Kasabwat ni alyas Jun Toto ang kanyang mga alipores na sina alyas Kap Abner, Nilo at Magno na nagkukuta sa Area G, Bautista, Sta. Maria at dalawang barangay ng San Luis pawang sa Dasmariñas City.
Kasama na dapat na kasuhan nina Gen. Torre III sina alyas Jun Toto, kanyang mga alagad pati na sina Dasmariñas City Mayor Jenny Austria-Barzaga at ang kanyang police chief LtCol. Socrates Jaca, upang malinis ang kanilang mga pangalan.
Kaalam kaya sina Mayora Barzaga at LtCol. Jaca sa mga kabalbalang pinaggagawa ni alyas Jun Toto sa kanilang Area of Responsibility (AOR)?
Ang mga lugar na dapat ding i-operate ni MGen. torre III at ng kanyang mga pinagkakatiwalaang opisyales tulad ni CIDG Regional Field Unit 4A Col. Geovanny Emerick Sibalo at Cavite CIDG Provincial Officer LtCol. Mark Jason Gatdula ay ang bayan ng Mendez kung saan kaliwa’t-kanan din ang operasyon ng sakla ni alyas Joji sa karamihang barangay ng bayan ni Mendez Mayor Francisco “Coco” Mendoza.
Si alyas Joji din ay kasosyo ng isang Hero na nagpapakilalang isa sa bagman ni Cavite PNP OIC Provincial Director Dwight Alegre sa pagpapatakbo ng mga saklaan sa bayan ng Amadeo na ang mga barangay pati sa mga sabungan at mga tupadahan doon ay palasak din ang sakla.
Kaya tama din na kasuhan ni Gen. Torre III sina PD Alegre, Mendez Mayor Mendoza, Amadeo Mayor Reden John B. Dionisio pati na ang mga police chief na sina Major Ian Jasper Montoya ng Mendez Municipal Police Office at Amadeo Police Chief Maj. Gilbert Derla?
Ang estrangherong si Hero na nag-ugat sa San Pablo City at tinubuan ng sungay bilang tahor na sugarol sa bayan ng Mendez ay partner ng isa pang nagpapakilalang katiwaldas kuno ni Col. Alegre na si alyas Ka Minong.
Ang tinaguriang “Nardong Lusak” ng Cavite na si Ka Minong ay siyang nagyayabang na orihinal na “kapustahan” o tong kolektor ng Cavite Provincial Police Office.
Ngunit dahil gamay na gamay na ni Hero ang galaw ng sakla at iba kailegalan kasama ang salyahan ng shabu sa walong siyudad at 16 na bayan sa lalawigan ni Gobernadora Athena Bryana Tolentino ay si Hero na ang ginawa ni Ka Minong na runner at kolektor ng lingguhang payola para sa matataas na opisyal ng PNP sa Cavite at sa mga bayan na “pasok” ang ilegal na sugal at droga.
Si Hero ay kabilang din sa grupo ng mga operator ng sakla sa mga siyudad ng Bacoor, Cavite, mga bayan ng Ternate, Noveleta, Maragondon Bailen at Naic at Dasmariñas City kasosyo naman ang pekeng pulis na si Sgt. Ewang.
Kasosyo din ni Hero sa naturang sakla joints sina fake NBI agent Elwyn at Eric Turok
Parang legal din ang mga saklaan sa mga licensed cockpit at tupadahan sa mga naturang siyudad at munisipalidad kaya hinding-hindi masawata ng kapulisan ang operasyon ng bentahan doon ng shabu. Tunay kayang nakararating sa mga naturang alkalde, police at NBI official ang naturang mga weekly tongpats?
Sa saklaan/shabuhan ay pumapalo na sa may Php 750k ang kolektong nina Ka Minong at Hero, samantalang sa bookies con shabu nina alyas Jun Toto, Nitang Kabayo, Santander at iba pa ay umaabot naman sa Php 800k ang nakukulimbat nina Hero at Ka Minong para sa mga top Cavite PNP official at mga alkalde.
Balewala sa mga kapulisan ng Cavite at kay Col. Alegre kung may standing warrant of arrest man sa kasong Murder si Ka Minong, mas importante marahil ang biyayang lingguhang inihahatid nito sa Cavite Provincial Police Office?
May 14 lamang na lisensyadong cockpit sa Cavite ngunit mas marami rito ang mga tupadahan kung saan may mga latag din na saklaan sina Hero at Ka Minong.
Mayroon ding paihian/burikian ng petroleum product sina alyas Amang at Violago Group sa Brgy. Bancal, Carmona City samantalang may mga peryahan na pulos sugalan sina alyas Lodi sa Brgy. Ibayo Silangan at Ibayo Estacion, Naic, Tetet sa Brgy. Salawag, Dasma at Jesseca na nagkalat ang pwesto ng pergalan sa iba’t ibang mga bayan at barangay sa Cavite.
Hindi na isa-isahin pa ng SIKRETA ang mga pangalan ng mga government official sa Cavite na ang mga siyudad at bayan ay may mga pasugalan at shabuhan.
Sa hukuman na lang nila linisin ang kanilang pangalan sakaling makalusot sila sa kapangyarihan ng balota ng mga mamamayan sa May 2225 election?
***
Para sa komento: Cp.No. 0966 406 6144.