Advertisers
DAHIL malaki ang pangangailangan sa panahong ito sa dugo naglunsad ang Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. ng blood letting sa kanilang gusali sa Binondo, Maynila ngayong araw ng Linggo.
Kaagapay ng FFCCCII ang iba pang organisasyon tulad ng Dugong Alay Dugtong Buhay Inc, RC Raha Sulayman Manila at National Capital Region Police Office Press Association ( NCRPO PA ) sa kanilang layunin na makatulong sa mga nangangailangan ng dugo na pandugtong buhay lalo na sa mga pasyente na may dengue at iba pang sakit o kaya naman ay biktima ng sakuna o aksidente.
Bandang alas 8 pa lang ng umaga, dinagsa na ng mga pulis mula sa Manila Police District at Eastern Police District ang FFCCCII building kaya naman halos maaga natapos ang blood letting.
Masasabing malaking tagumpay ang blood letting dahil sa pakikiisa ng mga tag-MPD at taga- EPD. Maging ang mga sibilyan ay nakiisa rin para sa tagumpay ng bloodletting.
Ayon kay Pat. Loquias, ng District Community Affairs Development Division – EPD, nakasanayan na nila ang pagbibigay ng dugo sa mga isinasagawang bloodletting dahil batid nila na malaking tulong ito sa nangangailangan ng dugo.
“Hindi lang peace and order ang concern ng mga pulis subalit maging ang kaligtasan ng buhay ng mamamayan” ayon kay Loquias.
Nagpasalamat ang mga host ng blood letting sa mga boluntaryong nagbigay ng dugo na sasagip sa buhay ng mga kababayan nating nangangailangan. (JOJO SADIWA)