Advertisers
NAGPANTING ang tenga ni Gongdi kapag hinihingi na lumagda siya sa isang bank waiver upang isapubliko ang mga transaksyon at money trail ng mga bank account ng pamilya Duterte kaugnay sa akusasyon na galing sa ilegal droga ang salapi ng pamilya Duterte.
Sa nakaraang pagdinig ng QuadComm, hindi nagustuhan ni Gongdi ang paghingi ni Sonny Trillanes na lumagda siya sa isang bank waiver upang tuluyang ilabas ang record ng mga bank account ni Gongdi, Polong, Baste, Sara, at kahit si Honey Avancena (hindi namin alam ang unang pangalan), kalaguyo ni Gongdi.
Dalawang beses pumayag si Gongdi na lumagda sa aiver na ihaharap sa kanya kahit binawi niya ang pagpayag. Sa unang pagkakataon, lalagda siya, aniya. Binawi ang pag-oo dahil joint account ng legal na asawa ang binanggit ni Sonny na account niya. Kailangan kunin muna ang pag-aprub ng asawa sa account upang magkaroon ng bisa ang bank waiver, aniya.
Muling pumayag si Gongdi na lumagda sa waiver, ngunit kagyat na nagtanong kung ano ang makuha niya kapalit ng lagda. Lalagdaan lang kung “sasampalin” niya si Sonny Trillanes. Sinabi ni Sonny na payag siya, ngunit sinabihan siya ng komte na huwag seryosohin ang salita ni Gongdi. Kagyat na humingi ng paumanhin si Sonny.
Unang lumabas ang isyu ng mga bank account ng mga Duterte noong 2016 sa kasagsagan ng kampanya. Ibinigay umano ng isang nangangalang Joseph de Mesa ang mga dokumento sa Magdalo. Tumakbo sa P2.3 bilyon ang mga transaksyon ng pamilya Duterte, ngunit kailangan ng waiver upang ilabas ng bangko ang detalye ng mga transaksyon.
Ani Sonny Trillanes sa ikalabing-isang pagdinig ng QuadComm noong Miyerkules, “peke ang war on drugs ni Gongdi at siya ang “lords of all druglords” (panginoon ng lahat ng panginoon s droga) umano. Kasabwat ni Gongdi, ani Sonny, sina Michael Yang, Charle Tan, at Sammy Uy sa negosyo ng illegal droga. Bilang patunay, iniharap ni Sonny sa mga kasaping mambabatas ng QuadComm ang mga ledger, deposit slip, at record ng mga bank inflow ng pamilya Duterte.
Napatunayan na totoo ang mga bank record matapos nagdeposit ang ilang netizen sa mga bank account at tinanggap ng bangko ang mga deposit bilang patunay na totoo sila. Nagsampa si Sonny ng reklamo sa Office of the Ombudsman. Sumulong ito, ngunit tinanggal ni Gongdi si Deputy Ombudsman Arthur Carandang sa kanyang puwesto.
Nagkaroon ng kakaibang kulay ang pagdinig nang naghain ng mosyon si Caraps Paduano na hingin ang pagdalo ni Carandang sa pagdinig ng QuadComm sa ika-21 ng Nobyembre upang magbigay linaw sa alegasyon ni Sonny Trillanes. Hiningi rin ni Caraps na papuntahin ang mga opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Dahil mukhang nasusukol na si Gongdi, nag-umpisa ng mag-alburoto ang sumpunging dating pangulo. May mga pagkakataon na nagpalitan ng mga masasamang tingin at titig. Hindi natinag si Sonny Trillanes sa pagkakataon na ito. Nauwi sa girian ng dalawang sasabunging tinali ang titigan. Sa isang pagkakataon, akmang sasagpangin ni Trillanes si Gongdi.
Hinawakan ni Gongdi ang mikropono at akmang ipupukol kay Sonny. Napigil ng ilang tauhan ng QuadComm na nagpang-abot ang dalawa. Ngunit nagbitiw ng hindi makakalimutang salita si Sonny kay Gongdi: “Wala ka na.” Gumanti si Gongdi ng isang mura sa wikang Bisaya.
Masakit kay Gongdi na sabihan siya ni Sonny ng ganyang salita dahil laos na siya. Wala na siya sa poder at hindi na makakapagdikta ng nais. Kahit sa seating arrangement ng QuadComm, walang idinikta si Gongdi. Katabi niya si Leila de Lima, dating mambabatas na ipinakulong ni Gongdi ng pitong taon batay sa pinagtagpi-tagping ebidensya.
Napigil lang na magpang-abot ang dalawa ng sumigaw si Kin. Romeo Acop ng Antipolo City kay Sonny. “Tama na, Sonny.” Narinig ito ni Sonny Trillanes sa gitna ng komosyon. Upperclassman ni Sonny sa Philippine Military Academy (PMA) si Acop. Kasama sa kanilang training ang magbigay galang sa upperclassman.
Dahil sa munting gulo, nawala sa konsentrasyon si Gongdi at talagang nanggulo na lang siya. Pinag-initan si Rep. Raoul Manuel ng Kabataan Party List dahil sa mga maanghang na tanong. Tinakot ni Gongdi si Manuel bagaman nagpahayag ang huli na hindi siya nabahala sa pananakot ni Gongdi. Kinilala ng mga lider ng QuadComm na “pagod” na si Gongdi at sinuspinde ang pagdinig at ituloy sa ika-21 ng Nobyembre.
Walang nagawa si Gongdi kahit nagmukha siyang isang paslit na naglupasay at umiiyak dahil inagawan siya ng kendi. Kahit anong hirit ni Gongdi na ituloy ang hearing, ipinagpaliban pa rin ito ng liderato ng QuadComm. Hasta la vista.
***
MASASABI mo bang tagumpay ang administrasyon ni Rodrigo Duterte kung ito ang kanyang mga nagawa?
1. Ipamigay ang teritoryo ng Filipinas sa West Philippine Sea sa China na nakangisi at maluwag sa kanilang kalooban kahit na galit ang sambayanang Filipino.
2. Walang nangyari sa digmaan sa droga sa tatlong taon at kalahati kundi patayin ang mga pinaghihinalaang adik na marami ang mahihirap at walang lakas, palayain, pakawalan, at hayaan gumala ang mga malalaking druglord, at hayaang pumasok sa bansa ang bilyong-bilyong pisong halaga ng ilegal na droga.
3. Wala halos gumalaw sa “Build, Build, Build” na dapat nagsilbing programa sa imprastraktura kahit ito ay nanatili lamang na itong isang wish list, o listahan lamang ng mga proyektong inaasam na magawa.
5. Papasukin ang daan-daang libong Chinese mainlander bilang manggagawa umano sa mga kumpanyang POGO kahit na hindi sila nagbabayad ng buwis at itakwil ng sambayanang Filipino dahil sa kanilang kabastusan, kababuyan, at kawalang galang sa kulturang Filipino. (Itutuloy)