Advertisers

Advertisers

‘Hallucination’ ni Digong

0 13

Advertisers

TAHASAHANG sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin, isang retiradong Supreme Court Chief Justice, na “hallucination” nalang ni former President Rody Duterte ang pagsabing “isponsor” ng Malakanyang si dating Senador Antonio Trillanes sa pag-atake sa dating pangulo.

“Mahirap nang pumatol sa ganyan, hallucination na yan,” pangiti na sinabi ni Bersamin.

Ito’y matapos ipahayag ni Duterte na ang mga pag-atake ngayon ni Trillanes sa kanya ay “utos” ng Malakanyang.



Magugunita na sa nakaraang House Quad Committee, kungsaan dumalo bilang resource persons sina Duterte, Trillanes at dating Senador Leila de Lima sa isyu ng extra judicial killings, ay hinamon ni Trillanes si Duterte na magpirma ng waiver, na pumapayag ilantad ang kanyang bank accounts na umano’y naglalaman ng mahigit P2 bilyon noong alkalde pa siya ng Davao City, kungsaan sinabi ni Trillanes na ang perang ‘yon ay galing sa drug lords!

Nagbanta si Duterte na sasampahan niya ng Libelo si Trillanes. Mangyari kaya? Abangan!

***

Naniniwala ang dalawang lider ng ‘Young Guns’ ng Kamara na hindi parin maipaliwanag ni Vice President Sara Duterte ang paglustay niya sa kabuuang P612.5 million confidential funds noong 2022 at 2023 kaya tumanggi uli itong dumalo sa pagdinig ng House Blue Ribbon Committee sa Miyerkules, Nobyembre 20, at piniling magpadala nalang daw ng affidavit.

Palusot ni VP Sara, isang beses lang siya inimbitahang humarap sa hearing, na ginawa naman niya noong Setyembre 18, pero tumanggi siyang mag-take ng oath para magsabi ng katotohanan at umalis din kaagad pagkatapos basahin ang kanyang opening statement na bumabatikos sa House probe laban sa kanya.



Para kay House Assistant Majority Leader at Zambales Representative Jay Khonghun, “budol style” ang ginagawa ni VP Sara sa pagsasabing hindi ito iniimbitahan ng Kamara, pero kapag inimbitahan ay hindi dumadalo. Mismo!

Sinabi naman ni Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega Ortega, ang pagsusumite ng Bise Presidente ng affidavit ay isang taktika upang makaiwas sa pag-uusisa. Oo nga!

“Isang pambubudol na naman ito sa ngalan ng panawagang sumagot si VP Sara, dahil gagamitin ang affidavit para makatakas at hindi na mag-appear sa hearing. Hindi ito sapat para linawin ang mga isyu ng confidential funds. Harapin niya ang mga tanong ng publiko at ng Kongreso,” bira ni Ortega.

Ang House Blue Ribbon Committee, na ang pormal na tawag ay Committee on Good Government and Public Accountability, ay nag-iimbestiga sa P500-milyon confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at P112.5-milyon confidential fund ng Department of Education (DepEd), na parehong ginastos sa ilalim ng pamumuno ni VP Sara.

Bakit nga ba ayaw magpaliwanag ni VP Sara ukol dito? Samantalang napakadali magpaliwanag basta tama ang paggastos at may mga resibo. Tama ba ako, mga pare’t mare?