Advertisers
IBINUNYAG ng apat na media practitioners ang umano’y pangha-harass na ginawa sa kanila ni Bongabong Mayor Elegio “Elgin” Malaluan nang i-cover nila ang isang bidding process sa nasabing bayan.
Ayon sa sinumpaang salaysay ng media practitioners na sina Jonathan Apostol Atuel Sr., Ire Joe Vicente Laurente, Roberto Evora at Reynaldo Jandusay, dumalo sila sa isang bidding na ginanap sa municipal hall complex ng bayan para sa implementasyon ng farm to market road sa Sitio Centro hanggang Sitio Balete upang masiguro ang regularidad nito.
Nang makapasok na sila sa munisipyo ay nakita sila ng alkalde na may mga hawak na cellphone at pilit itong inaagaw.
Dahil dito’y napilitan umano si Jandusay na magpakilalang taga-media sila, at andun sila para i-cover ang mga kaganapan sa naturang bidding.
Pilit umano silang pinapasok ng alkalde sa kanyang opisina at hindi na sila nakapalag dahil dalawang guwardiya nito ang nasa likuran nila.
Sinabihan umano sila ng alkalde na bawal kumuha ng litrato at video sapagkat baka mabigla siya at masuntok sila, at kukuyugin ng mga tao ni mayor.
Bago magsimula ang bidding ng 9:00 ng umaga ay nakalabas ng opisina ng alkalde sina Atuel at Laurente ngunit bigo sina Evora at Jandusay dahil napigilan sila ng mga guwardiya ng mayor.
Isiniwalat nina Atuel at Laurente ang nasaksihan sa bidding kungsaan pinatay diumano ang projector nang babasahin na ang halaga ng iba’t ibang bids.
Wala rin umanong naging aksiyon hinggil dito ang representante mula sa PRDP na si Christian Vargas.
Dismayadong lumabas ng conference hall sina Atuel at Laurente, kungsaan hinarang sila ng isang guwardiya ni Mayor Malaluan na may kasamang tatlong lalaki, isa ang naka uniporme ng pulis.
Noong panahon na ‘yun ay hindi umano alam nina Atuel at Laurente kung nasaan ang dalawa nilang kasama na sina Evora at Jandusay.
Nagdahilan nalang umano sila na tatawagan nila ang dalawang kasama at naglakad na palayo sa munisipyo.
Laking gulat umano nila nang pasakay na sila ng tricycle sa tapat ng Land Bank ay hinabol at sinugod pa sila ng alkalde.
Pumasok umano ang mayor sa First Microbank kung saan pinilit umano si Atuel na ipakita ang laman ng kanyang cellphone at dahil sa takot ay napilitan siyang ipakita ito.
Samantala kinumpirma na ni Jandusay sa pitak na ito na sinampahan na nila ng kaso si Mayor Malaluan at habang sinusulat natin ang isyung ito ay pilit nating tinatawagan ang alkalde ng Bongabong para sa kanyang reaksyon pero bigo tayo.
Subaybayan natin!