Advertisers
ITINANGGI ni Senadora Cynthia Villar ang mga naglabasang balita na agresibo niyang kinompronta ang kanyang makakatunggali sa pagka-mayor sa Las Piñas City na si Konsehal Mark Anthony Santos sa loob ng simbahan, at ibinasura ang viral video ng engkuwentro bilang smear tactic ng kanyang mga katunggali.
Sa panayam ng media, ipinaliwanag ng bilyonaryang senadora na pinagsabihan lamang niya si Santos sa paglapit at pagbati sa kanya, na huwag na siyang kamayan dahil sinisiraan naman niya (Santos) ang kanyang pamilya. May katuwiran din naman si Madam Cynthia. Hehehe…
Pero sa video, makikitang galit na itinuturo ng senadora ang isang daliri nito kay Santos, habang ang kanyang pamangkin na si Las Piñas Vice Mayor April Aguilar ay mukhang na-shock, tumayo na hawak ang dibdib at tumabi habang nangyayari ang insidente.
Naganap ang alitan sa Our Lady of Fatima Church sa Philamlife Village, Barangay Pamplona Dos, Las Piñas City.
“Syempre, I’d like to believe na ang laki ng performance ko, kaya wala naman silang magagawa kundi gawin ‘yun,” giit ni Madam Cynthia.
Parehong tatakbo para sa lone congessional seat ng Las Piñas sina Santos at Villar sa 2025 elections.
Matatapos na kasi ang termino ni Madam Cynthia sa pagka-senador, ipinapalit niya ang kanyang unica hija na si Camille, at siya naman ay tatakbong kongresista. Ayaw pang magretiro tulad ng mister niya. Hehehe…
In fairness, maganda naman talaga ang performance ni Cynthia bilang Senador lalo na ang kanyang mister na si dating Senate President Manny na nagretiro na sa politika nang matalo sa presidential noong 2010.
Ang isa pang anak ni Madam Cynthia na si Mark ay nakaupong senador. Kapag nanalo si Camille sa 2025, dalawa na sila ng kuya n’ya sa Senado tulad ng mag-utol na Cayetano (Pia at Alan) at Estrada (Jinggoy at JV). You know!!!
***
MULING ‘di sinipot ni Vice President Sara Duterte ang ongoing investigation ng House Quad Committee nitong Miyerkoles, November 20, hinggil sa paggamit ng Office of the Vice President (OVP) sa kanilang budget, kabilang na ang kontrobersiyal na ‘confidential funds’.
Palusot ni VP Sara sa kanyang sulat na may petsang November 19 na ipinadala kay House committee on good government and public accountability chairperson at Manila 3rd district Representative Joel Chua, hindi rin naman daw siya tinatanong tulad ng nangyari noong Sept. 18 hearing na nakatunganga lang siya, nasayang lang daw ang mga oras niya. Oo nga naman. Hehehe…
Noong November 13, inimbitahan ng House panel si VP Sara para sa mga gagawing pagtatanong nitong November 20. Personal niyang tinanggap ang invitation habang nasa kasagsagan ng House QuadComm investigation sa drug war killings ng nakaraang administrasyon ng kanyang ama Rodrigo Duterte.
Wala pang komento ang House panel sa hindi pagsipot ni VP Sara.